Calendar
ROs inatasang makipag-ugnayan sa mga expressways para sa impormasyon kung may baha
INATASAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga regional offices (ROs) na makipag-ugnayan sa mga expressways para sa pagpapalaganap ng impormasyon hinggil sa kalagayan ng mga daan na may bayad pero maraming lubog sa baha.
Saklaw ng direktiba ang Region 1 para sa TPLEX; Region 3 para sa NLEX at SCTEX; Metro Manila at Region 4A para sa SLEX, STAR Toll, CALAX at MCLEX.
Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr., inatasan din ang mga Regional Franchising and Regulatory Offices (RFROs) na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang matukoy ang mga alternatibong ruta sakaling magkaroon ng emergency gaya ng pagbaha sa bahagi ng NLEX sa San Simon.
“Ang kapakanan ng mga pasahero at ang tuloy-tuloy na paghahatid ng mga produkto sa mamamayang Pilipino ang palagi nating prayoridad,” pahayag ni Pua.
Dalawa ang pangunahing tututukan ng LTFRB: mas mabilis na pagpapalaganap ng impormasyon at pagtukoy ng mga alternatibong ruta upang matulungan ang mga transport company, motorista at commuters.
Binigyang-diin ni Pua ang papel ng digital technology sa mabilis na pagbibigay ng impormasyon sa publiko. Ang agarang paglalabas ng mga abiso sa social media tungkol sa mga insidente sa expressway ay makatutulong sa mga motorista na makapag-adjust ng kanilang biyahe at makapili ng alternatibong ruta.
Sa mga talakayan sa social media habang baha sa San Simon exit ng NLEX, kabilang sa naging hamon sa mga motorista ang pagtukoy sa mga alternatibong rutang maaari nilang gamitin.
Maaaring makatulong ang LTFRB sa pamamagitan ng mas pinaigting na koordinasyon sa mga LGU at iba pang concerned government agencies.
Inatasan din niya ang mga kinauukulang RFRO na palakasin ang koordinasyon sa mga transport at trucking company upang matiyak ang mabilis na pagpapalaganap ng impormasyon sa publiko.

