DMW

Recruitment firm na walang lisensya mula DMW ipinasara

Jun I Legaspi Sep 5, 2026
29 Views

DMW1IPINASARA noong Biyernes ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang tourism consultancy firm sa Pasig City na umano’y sangkot sa ilegal na recruitment ng overseas Filipino workers (OFWs) papuntang Bulgaria, Germany at United Kingdom.

Pinangunahan ni DMW Assistant Secretary Jerome Alcantara at mga tauhan ng Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) ang closure operations laban sa Anecon Tourism Consultancy matapos matukoy ang umano’y recruitment activities ng kumpanya pero walang recruitment license mula sa DMW.

“Nagsimula ito sa referral report from the Bureau of Immigration nang makita nila na may 83 workers na na-deploy itong Anecon Tourism Consultancy, mostly to Bulgaria, 10 were offloaded, 70 ang nakaalis, so nagpa-assist ang BI para imbestigahan ito,” pahayag ni Alcantara.

Kabilang sa modus operandi ng kumpanya ang mag alok ng trabaho gaya ng chambermaids, cooks, wait staff, amusement park attendant na may pangakong sahod mula P150,000 hanggang P300,000.

Ang job offers ay inaalok ng kumpanya sa ilalim ng Au Pair at Ausbildung Program.

Pinaalalahanan ng DMW ang mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa abroad na maging mapanuri sa mga kompanyang inaaplayan, lalo na sa mga gumagamit ng travel, visa consultancy, study abroad o training programs bilang paraan upang makakuha ng mga aplikante.

Ang nasabing mga ilegal na recruitment firm na ang ika-42 establisyimentong ipinasara ng DMW-Migrant Workers Protection Bureau ngayong 2026 alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na protektahan ang mga OFWs.