Calendar
Driver tinakot ng baril mga traffic enforcer, dinampot
KALABOSO ang sinapit ng lalaking nagwasiwas ng dala niyang baril noong Huwebes sa Pasay City.
Inaresto si alyas Jomar nang humingi ng tulong sa pulisya ang mga traffic enforcer na umano’y tinakot niya dakong alas-3:00 ng hapon sa corner ng Zamora St. at EDSA.
Sa ulat kay Southern Police District (SPD) director P/BGen. Randy Arceo, sinita ng mga traffic enforcer si alyas Jomar na nagmamaneho ng maroon Toyota Innova ng mag-counterflow sa Zamora St.
Nagprisinta ng driver’s license ang suspek subalit bago pa matikitan kinuwestiyon kung ano ang basehan ng mga traffic enforcer para siya tikitan.
Sa kainitan ng pagtatalo, kinuha ng suspek sa loob ng sasakyan ang kanyang baril mula sa belt bag at iwinasiwas sa mga traffic enforcer kaya humingi ng tulong sa mga pulis ang mga biktima.
May ipinakitang lisensya ng cal .45 pistol na may anim na bala sa magazine ang suspek pero expired ang Permit to Carry Firearm Outside of Residence (PTCFOR) kaya arestado ang suspek.
