QCPD: Walang parak sa QC na sangkot sa nakawan

305 Views

ITINANGGI ng Quezon City Police District (QCPD) na may pulis na sangkot sa ilang kaso ng nakawan gaya ng kumakalat na viral video ng robbery suspect na nag-uugnay sa ilang pulis sa kanyang mga kaso.

Ayon sa QCPD, “misleading at walang basehan” ang video at iginiit na mahigpit ang kanilang operasyon laban sa kriminalidad alinsunod sa patakaran ng Philippine National Police (PNP).

Lumabas sa imbestigasyon na noong Pebrero 2025, nasangkot ang naturang suspek sa isang holdapan sa Quezon City kung saan tinutukan ng baril ang biktima at tinangay ang mahahalagang gamit nito.

Naaresto ang suspek sa Maynila at nasamsam ang baril na ginamit sa krimen.

Ayon sa QCPD, maayos itong naidokumento at isinailalim sa legal na proseso upang masampahan siya ng paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearms).

Pinagtibay pa ng salaysay ng biktima na siya ay ninakawan habang tinututukan ng baril.

Tiniyak ng QCPD na bubusisiin muli ang kaso at sakaling mapatunayang may pagkukulang o paglabag ang kanilang mga tauhan, agad silang sasampahan ng kaukulang kaso kriminal man o administratibo.

Iginiit ng QCPD na hindi nila kinukunsinti ang anumang paglabag sa batas ng kanilang hanay.

Hinimok din ang publiko na dumaan sa tamang proseso sa paghahain ng reklamo upang masigurong mabibigyan ito ng kaukulang aksyon.