Calendar
Lolo, 63, nanood ng porn sa CP, ‘hinarass’ katabi sa eroplano, tiklo
DINAKIP ng mga pulis ang 63-anyos na lalaking pasahero galing US matapos ireklamo ng kanyang mga katabi na nagdadabog at nanonood ng porn noong Huwebes gabi sa NAIA Terminal 1 sa Parañaque City.
Kaagad nagtungo ang mga tauhan ni PNP Aviation Security Group (AVSEGROUP) Director P/BGen. Dionisio Bartolome, Jr. sa Arrival Transit Area ng naturang Terminal nang matanggap ang ulat ng ginawang panggugulo ng naturang pasahero sa loob ng sinasakyang eroplano na galing Los Angeles, California na dahilan para ireklamo ng matandang babaing katabi niya sa upuan.
Sa inisyal na ulat, ilang ulit na nagdabog at niyugyog ng pasahero ang kanyang paa patungo sa katabing pasahero kaya humingi ng tulong ang matandang babae na ilipat na lang siya ng upuan subalit wala ng bakanteng pwede niyang lipatan.
Isa pang pasahero ang nagsumbong sa steward na nanonood ng malalaswang palabas sa kanyang mobile phone ang lolo na nakikita maging ng mga menor-de-edad na pasahero na dahilan para siya pagsabihan.
Nang makarating sa punong piloto ang insidente, ipinalipat ang babaeng pasahero sa business class upang maging komportable ang biyahe lalu na’t sinigaw-sigawan pa umano siya ng katabing pasahero nang kompronthain sa ginagawang pagdadabog.
Humingi ng paumanhin ang lolong pasahero pero iginiit ang kanyang pribadong karapatan sa reklamong panonood ng palabas sa kanyang mobile phone.
Itinuloy ng babaeng pasahero ang reklamong unjust vexation laban sa lolo na dahilan para siya dakpin ng pulisya.

