Driving school, med clinic na may pekeng TDC seminar binawian ng akreditasyon

Jun I Legaspi Oct 9, 2025
241 Views

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na papanagutin ang mga lumalabag at naglalagay sa panganib sa kaligtasan sa kalsada, binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang akreditasyon ng isang medical clinic at driving school sa Pampanga dahil sa pagsasagawa ng ilegal na theoretical driving course (TDC) seminar.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, nagsagawa ang medical clinic at driving school ng TDC at student permit caravan nang walang koordinasyon sa LTO.

Mas malala pa rito, ayon kay Asec Mendoza, ay ang paniningil ng P600 hanggang P750 sa mga kalahok kapalit ng medical certificate at TDC certificate kahit walang aktwal na seminar na isinagawa noong Agosto 16 hanggang 17.

“Malinaw na maraming paglabag ang naganap sa pagsasagawa ng ilegal na aktibidad na ito. At napatunayan ang mga paglabag na ito sa isinagawang imbestigasyon,” ayon kay Asec Mendoza.

Natuklasan ng LTO na walang alinman sa dalawang establisyemento ang nakipag-ugnayan sa ahensya ngunit pinalabas nilang suportado ito ng LTO. Inanunsyo pa ang aktibidad bilang isang “libreng TDC seminar.”

Sa imbestigasyon, napatunayan ding walang aktwal na TDC seminar na ginanap ngunit binigyan pa rin ng certificate of completion ang mga nagbayad. Nakakuha rin ang mga imbestigador ng mga larawan at video bilang ebidensya ng mga paglabag.

Sa isang hiwalay na desisyong nilagdaan ni Asec Mendoza, sinabi niya na ang sabwatan ng dalawang establisyemento ay “sumisira sa regulasyon na itinatag ng batas at patakaran, at lalo pang nagpapahina sa tiwala at kumpiyansa ng publiko sa LTO bilang isang regulatory at enforcement authority.”

“Dahil sa bigat ng mga paglabag, nararapat lamang ipataw ang parusang pagbawi ng akreditasyon. Dahil dito, ipinapataw ang parusang revocation laban sa mga nasabing respondent,” dagdag ng LTO chief.

Ayon kay Asec Mendoza, magsilbi sanang babala ang desisyong ito sa lahat ng mga driving school at medical clinic na accredited ng LTO na sumunod sa mga alituntunin at pairalin ang wastong asal sa kanilang operasyon.