DSWD-4A walang pagkukulang sa Noveleta—- Tulfo

184 Views

WALANG pagkukulang ang mga opisyal at tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 4A sa Noveleta, Cavite noong nakaraang linggo, ayon sa resulta ng imbestigasyon na isinagawa ng DSWD Central Office kamakailan.

Kasabay nito, pinababalik na sa puwesto ni Sec. Erwin Tulfo sina DSWD Region 4A Director Barry Chua at Assistant Director Mylah Guitterez ngayong araw matapos ilipat sa central office noong Huwebes dahil sa reklamo ni Noveleta Mayor Dino Chua na “pinahirapan ng DSWD ang mga biktima na makakuha ng ayuda”.

Ayon kay Sec. Tulfo, “wala nang kwestiyun sa pagbibigay ng food packs sa 500 katao na pumila doon noong araw na yun dahil lahat naman po ay nabigyan ng pagkain”.

“Ang nirereklamo ni Mayor Chua ay tila pinahirapan daw ng DSWD personnel ang mga bibigyan ng cash assistance on that day dahil kung anu-anong dokumento raw ang hinihingi ng mga tauhan namin”, ayon kay Sec. Tulfo.

“Pero ang policy na namin ngayon ay kapag may kalamidad, kung walang ID, dapat nasa listahan ng LGU (local government unit) yung beneficiary o na-endorsed ng barangay sa amin”, paliwanag ni Tulfo.

Ayon sa kalihim, sinunod naman ng mga tauhan nila ang procedure na ito.

Ang problema aniya doon sa 500 na dala ng LGU, 200 lang ang nasa listahan nila habang ang 300 ay hindi naman kilala ng mga barangay officials na naroon sa payout site.

“Kailangan po na may ma-i-present naman kami sa Commission on Audit (COA) kahit papaano kapag kami ay natanong kung saan o kanino namin ibinibigay yung mga cash ayuda po namin”, ani Tulfo.

Hulyo nitong taon nang alisin ni Tulfo ang mga indigency at residency certificate, barangay ID at kung anu-ano pang dokumento para makahingi ng ayuda sa DSWD sa oras ng kalamidad.

Dagdag pa ng kalihim, “sila (LGU) po ang nagdala ng mga tao sa payout site that day pero out of the 500 supposed beneficiaries, 200 lang ang may identification o naroon sa listahan ng barangay while the rest wala na nga sa listahan, hindi pa kilala ng mga barangay officials”.

“Paano namin ipapaliwanag sa COA kung kami ay hanapan ng katibayan na namigay nga kami ng cash ayuda on that day and place pero we have no proof to show?”, tanong ni Tulfo.

“I’m sure, Mayor Chua knows that and he understands all these COA rules. Napaliwanagan na po namin si Mayor noong pang Biyernes at okay na po ang lahat ng panig”, pahabol ni Tulfo.