Tulfo

DSWD hindi na tatanggap ng walk-in sa pamimigay ng ayuda sa mahihirap na estudyante

183 Views

HINDI na tatanggap ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng walk-in sa pamimigay ng financial assistance sa mga mahihirap na estudyante upang maiwasan ang siksikan sa mga payout site.

Sinabi ni DSWD Secretary Erwin Tulfo na ang mga nais na makatanggap ng ayuda ay dapat magparehistro online o mag-email sa [email protected]. Maaari ring pumunta sa website ng DSWD o sa mga social media account nito para sa detalye.

Para sa mga walang internet, maaari umanong magparehistro sa pamamagitan ng pagpapadala ng text message.

Ang mga aplikante ay makatatanggap umano ng text message mula sa DSWD upang malaman kung kailan at saan sila pupunta.

Sinabi ni Tulfo ang naganap na kaguluhan sa payout noong Sabado ay nagbigay daan upang sila ay lumipat sa digital system.

Pumasok din sa kasunduan ang DSWD at Department of the Interior and Local Government upang mapabilis ang pagbibigay ng ayuda.

Ang mga lokal na pamahalaan na nasa ilalim ng DILG ay siyang maglalaan ng lugar kung saan isasagawa ang bigayan ng ayuda at dagdag na tauhan na kakailanganin upang maging maayos ito.