Calendar
EDSA congestion fee iminungkahing pag-isipan muli
HINIMOK ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang gobyerno na muling pag-isipan ang panukalang maningil ng bayad sa mga motorista na dumadaan sa EDSA bilang paraan upang maibsan ang trapiko sa pangunahing kalsada ng Metro Manila.
“Hindi solusyon ang pangongolekta ng bayad sa mga motorista na gagamit ng EDSA. Ang kailangan natin ay mas maayos na mass transport system, hindi dagdag gastos para sa mga Pilipino na araw-araw nang nahihirapan sa trapik,” ayon kay Pimentel.
“It’s an anti-motorist and anti-commuter measure that would unfairly burden the public,” dagdag pa niya.
Bagamat pinuri niya ang mga plano ng gobyerno sa ilalim ng Comprehensive Traffic Management Plan (CTMP), binigyang-diin ni Pimentel na dapat maingat na pag-aralan ang ilang panukala upang matiyak na ito ay epektibo at patas para sa publiko.
Ipinunto rin ng senador na maraming may-ari ng pribadong sasakyan ang napipilitang magmaneho dahil sa hindi maaasahan at di-episyenteng pampublikong transportasyon.
“Walang choice ang maraming Pilipino kundi gumamit ng kotse dahil siksikan at kulang ang tren, bus, at jeep. Tama ang gobyerno, kung gusto nating maibsan ang trapiko sa EDSA, dapat ayusin muna natin ang transport system at imprastraktura. Pero hindi ibig sabihin na kapag nagawa natin pagandahin ang mass transport system, pahihirapan naman natin ang commuters na gamitin ang EDSA,” aniya.
Nagbabala rin si Pimentel na ang panukalang congestion fee ay maaaring higit na makaapekto sa mga Pilipinong nasa gitnang uri, maliliit na negosyante, at mga propesyonal na umaasa sa kanilang mga sasakyan para sa hanapbuhay.
Ipinunto rin niya kung napag-aralan ba ng gobyerno ang posibleng epekto nito sa ekonomiya, kabilang ang implikasyon sa implasyon at sa presyo ng mga produkto at serbisyo.
Sa halip, aniya, dapat tiyakin ng gobyerno na maayos na naipatutupad ang kasalukuyang mga hakbang sa pagpapabuti ng daloy ng trapiko, tulad ng mas mahigpit na number coding policy, mas maayos na pamamahala ng bus lanes, at ang pagtatapos ng matagal nang nabinbin na mga proyektong pang-imprastraktura sa transportasyon.
“Huwag nating gawing negosyo ang EDSA. Ang solusyon sa trapik ay maayos na transportasyon at matinong pamamahala, hindi dagdag bayarin para sa mga Pilipino,” ani Pimentel.