BBM Presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

EDSA myth binasag ng pamangkin ni Cardinal Sin; suportado unity call ni BBM

461 Views

KALIBO, Aklan — ISA sa mga paboritong pamangkin ng namayapang si Jaime Lachica Cardinal Sin ang nagpapatunay na nawalan na nang saysay ang 1986 Edsa People Power dahil hindi naman ito aniya nakatulong para dalhin ang bansa sa tunay na pag-unlad at pagbabago.

Dahil dito ay nakatitiyak ang pamangkin ni Cardinal Sin na si dating Kalibo Mayor William Lachica na ang mapait na karanasan ng bansa na dulot ng Edsa ay siyang dapat magbibigay aral din na ang totoong pagkakaisa lamang ang tunay na daan upang umunlad ang bayan.

At ang paniniwalang ito hinggil sa pagkakaisa ang nagtulak kay Lachica na tumatakbo sa pagka-gobernador ng Aklan at dahilan na rin para maging masigasig na tagasuporta ni presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Sinabi pa ni Mayor Lachica na kumbinsido siya na kung buhay ang tiyuhing si Cardinal Sin, nanaisin din nitong yakapin ang panawagang ‘unity’ ni Marcos, sa halip na pagkakawatak-watak ng ating mga kababayan.

“Kung buhay si Cardinal Sin ‘yun din ang kanyang magiging hangarin niya, na magkaisa ang mga tao at kalimutan na ang pagkakawatak-watak dahil sa pulitika. Napakahaba ng mahigit 30 taon at nakita naman nating halos walang nangyari sa bayan natin,” anang alkalde sa isang panayam.

Si Lachica ay mahigit 20-taong gulang pa lamang nang mangyari ang tinatawag na Edsa Revolution.

Ito rin ang naging daan upang sumabak siya sa pulitika sa kabila ng katotohanang sila’y mula lamang sa ordinaryong pamilya, salamat sa popularidad ng tiyuhing nagbigay gabay din sa kanya ng mabuting pamamahala at tuwid na paglilingkod sa bayan.

“Nagsimula ako bilang konsehal, hanggang maging mayor at ngayon ‘nga ay tumatakbo bilang gobernador. Sa palagay ko malaking bagay din ang pagiging kamag-anak ko sa kaniya, pero kung hindi din naman ako nagsikap na maglingkod ng maayos eh hindi din naman siguro ako ihahalal ng mga kababayan ko,” malumanay na sabi pa ng alkalde.

Nang tanungin kung bakit Partido Federal ng Pilipinas ni Marcos ang kanyang sinalihan, mabilis na sinabi ni Lachica na siya at ang kanyang pamilya ay nagsimula ring ikumpara ang buhay noon sa nangyayari sa pamahalaan ngayon.

Isa na rito ang pagbagsak ng ekonomya at patuloy na pagkakalugmok sa kahirapan ng karamihan sa mga Pilipino.

“Iba talaga sa panahon nung matandang Marcos. Nakikita mo ang pag-unlad na malayung-malayo sa nangyayari ngayon. Kaya naman nung pumasok ako sa pulitika marami akong kinopya sa kanyang pamamalakad dito sa aming probinsya,” sabi pa niya.

Inamin ni Lachica na noong una’y may ilan din sa kanilang pamilya ang kumontra, lalo’t batid nila ang malaking ambag ng tiyuhin sa pagpapatalsik sa dating Pangulong Marcos, ngunit kalaunan ay napagtanto rin nila na ang tatay ni Bongbong ang pinakamagaling na naging presidente ng bansa.

Ang lolo ni Lachica ay kapatid ng nanay ni Cardinal Sin.

“Naniniwala akong ipagpapatuloy ni Bongbong ang mga nasimulan ng kanyang ama. Para sa aming pamilya, napakalaking bagay na nakikita namin siyang nagpapakumbaba at umiiwas sa mapanira at mapagwatak-watak na pulitika,” wika pa nito.

Idinagdag nitong kasaysayan na lang din ang makapagsasabi kung tama ba o hindi ang naging desisyon ni Cardinal Sin noong panahon ng 1986.

“Pero sa ngayon ang tingin ko tanging ang kanyang anak lamang, si Bongbong, ang makakapagpaahon sa atin sa mga problema nating kinakaharap. Kaya’t naniniwala kami sa kanyang panawagan ng pagkakaisa upang matupad ang kanyang mga pangarap para sa bansa,” pagbibigay diin ni Lachica.