Gatchalian Source: File photo

Epektibong pagpapatupad ng ARAL Program hinihiling sa Senado

22 Views

NANAWAGAN si Senator Sherwin Gatchalian sa pamahalaan para sa mas maayos at epektibong pagpapatupad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program kasabay ng muling pagbubukas ng mga paaralan sa buong bansa.

Ang ARAL Program ay nilikha upang tulungan ang mga mag-aaral na nahuhuli sa pag-aaral, at nakatakdang ilunsad ngayong taon ng pasukan.

Binigyang-diin ni Gatchalian na mahalaga ang pagpapatupad ng programang ito upang masigurong walang mag-aaral ang maiiwan, lalo na ang mga nangangailangan ng karagdagang suporta sa kanilang pag-aaral.

“Sa pagbabalik-eskwela ngayong taon, mahalagang maipatupad natin nang maayos ang ARAL Program dahil ang tutorial session na bahagi nito ay para sa mga mag-aaral nating nangangailangan ng tulong. Kailangang tiyakin nating hindi na sila mapag-iiwanan,” ani Gatchaliian.

Ang programa ay itinatag sa bisa ng Republic Act No. 12028, na siya ring inakda at isinulong ni Gatchalian.

Layunin nitong tulungan ang mga mag-aaral sa pampublikong paaralan mula Kindergarten hanggang Grade 10—partikular ang mga nagbalik-paaralan matapos huminto, ang mga hindi pa umaabot sa minimum proficiency level sa pagbasa, matematika, at agham, gayundin ang mga bumabagsak sa kanilang mga pagsusulit.

Nakatutok ang ARAL Program sa pagbasa at matematika para sa Grades 1 hanggang 10, habang ang agham ay isasama para sa Grades 3 hanggang 10.

Batay sa mga ulat, tinatayang may tatlong milyong mag-aaral sa buong bansa ang nangangailangan ng karagdagang akademikong suporta dahil sa malalaking agwat sa kanilang pagkatuto.

Upang tugunan ito, magpapatupad ang programa ng mga organisado at estrukturadong tutorial sessions na maglalayong tulungan ang mga mag-aaral na makabawi sa kanilang pag-aaral.

Iginiit din ni Gatchalian ang pangangailangan ng sapat na bilang ng mga kwalipikadong tutors upang maisakatuparan nang maayos ang implementasyon ng programa.

“Binigyang diin niya ang pangangailangan ng sapat na bilang ng mga tutors para sa programa,” lahad ni Gatchalian.

Sa pagsisimula ng bagong school year, ang ARAL Program ay itinuturing na isang mahalagang hakbang sa layunin ng bansa na maibalik ang kalidad ng edukasyon at masigurong may patas na oportunidad sa pagkatuto para sa lahat ng mag-aaral.