Calendar
Eroplano ng PAL lumampas sa runway, flight nakansela
KINUMPIRMA ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nagkaroon ng minor runway excursion ang isang pampasaherong eroplano paglapag nito sa Bacolod-Silay Airport nitong Disyembre 27, 2024.
Ang insidente ay kinasangkutan ng Philippine Airlines Flight PR2285, na nagmula sa Cebu.
Ang eroplano ay lumampas sa Runway 03 dulot ng malakas na pag-ulan na lubhang nagpabawas sa braking efficiency.
Hindi nito nagawang huminto sa inaasahang haba ng runway at lumampas ito patungo sa taxiway.
Ligtas ang lahat ng pasahero at crew na sakay ng eroplano, at agad silang inasikaso ng mga tauhan ng paliparan at mga awtoridad.
Bilang pag-iingat at upang maisagawa ang masusing pagsusuri sa runway, kinansela ng Philippine Airlines ang Flight PR2286 na nakatakdang umalis mula Bacolod patungong Mactan (Cebu).
Agad na inabisuhan ang mga apektadong pasahero at binigyan sila ng mga opsyon para sa rebooking o alternatibong biyahe.
Nanatiling matatag ang CAAP sa kanilang pangako sa kaligtasan ng mga pasahero at tiniyak sa publiko na isinasagawa ang detalyadong imbestigasyon upang suriin ang insidente at maiwasan ang mga kahalintulad na pangyayari sa hinaharap.