Tulfo1

ERWIN TULFO IGINIIT MANDATORY WPS EDUCATION SA MGA PAARALAN MATAPOS WATER CANNON ATTACK SA ESCODA SHOAL

226 Views

INIHiAIN ni Senador Erwin Tulfo ang Senate Bill No. 1625, o ang “West Philippine Sea (WPS) Education Act,” na nag-aatas sa Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) na isama ang mga paksa at materyales tungkol sa naturang isyu sa curricula ng basic at higher education.

“Kailangang marunong tayong magtanggol sa sarili natin pagdating sa WPS. Isang mabuting paraan upang gawin ito ay magkaroon ang mga Pilipino ng tamang impormasyon. Ang Pilipino, kapag may alam, mas lalakas ang loob na aktibong lumahok sa proteksyon ng ating karapatan sa WPS,” ani Tulfo.

Sa naganap na agresyon sa Escoda Shoal na nanakit sa mga mangingisdang Pilipino, sinabi ni Tulfo: “Hindi tayo maaaring manatiling walang kibo habang ang ating mga kababayang nagbabantay sa WPS, lalo na ang ating mga mangingisda, ay patuloy na nasasaktan. Kailangan nating maging maalam sa ating mga karapatan at sa mga polisiyang dapat sundin. Ang atin ay atin.”

Sa ilalim ng panukala ni Sen. Erwin, gagawing opisyal na bahagi ng curricula sa parehong basic at higher education ang isang komprehensibong WPS Education and Awareness program.

Inaatasan din nito ang DepEd at CHED, sa pakikipagtulungan sa National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA), National Security Council (NSC), Department of Foreign Affairs (DFA), at iba pang kaukulang ahensya ng gobyerno, na bumuo ng mga standardized at updated na materyales sa pagkatuto tungkol sa WPS, magsagawa ng mga capacity-building program para sa mga guro, at tiyakin ang pagkakaroon ng mga accessible na digital at printed na community-based learning resources.

Layunin din ng panukalang batas na maglunsad ng isang pambansang kampanya para sa impormasyon at pananaliksik upang isulong ang kamalayan sa maritime rights ng Pilipinas, ang proteksyon ng mga marine ecosystem sa WPS, at ang pampublikong diskurso sa mga isyu ng WPS.

“Bagaman ang West Philippine Sea ay isang kritikal na lugar, nananatiling limitado ang pampublikong kamalayan at pag-unawa rito. Dapat na itong matigil. Mayroon tayong mga legal na karapatan dito at kailangan nating paigtingin ang ating mga pagsisikap upang ang bawat Pilipino ay magkaroon ng kakayahang ipagtanggol ang ating mga karapatan sa WPS,” pahayag ni Tulfo.