Calendar
NHA nagtanggal ng P623M penalties, interests
UMABOT na sa P623,715,596.85 ang tinanggal na penalties at interests ng National Housing Authority (NHA) sa tulong ng Condonation 7 program, ang pinakamalaking condonation initiative sa kasaysayan ng ahensya.
Ang Condonation 7 Programa ay naghatid ng malaking ginhawa sa mga benepisyaryo sa buong bansa, ayon kay NHA General Manager Joeben Tai.
Nagkaloob ang programa ng pagtanggal ng 100% na penalties at delinquency interest at pag-alis ng 95% ng hindi pa nababayarang interes sa amortisasyon.
Sa kasalukuyan, nakakolekta na ang NHA ng P29,374,466.19 mula sa mga pamilyang nagsisikap mag-settle at mai-update ang kanilang mga housing loan accounts.
Para sa mag-asawang Ciriaco at Lourdes Ondillo mula sa Kaunlaran Village, naging daan ang Condonation 7 upang matapos na mabayaran ang kanilang housing loan sa NHA.
Matapos ang maraming taon, nakamit ng pamilyang Ondillo ang kapanatagan matapos matupad ang kanilang obligasyon sa NHA.
Sa Brgy. Sawata, Caloocan City, muling inilaan ni Berbeth Agrava ang kanyang natipid mula sa Condonation para sa pagsasaayos ng kanilang tahanan.
“Madali lang yung proseso ng Condonation 7 at malaki talaga yung nabawas sa loan. Nasa P150,000 yung utang ko, ang binayaran ko na lang ay P50,000,” ani Berbeth.
Sa gitna ng personal na pagdadalamhati, isang biyuda ang muling nakatagpo ng pag-asa sa pamamagitan ng Condonation 7 ng NHA.
Matapos pumanaw ang kanyang asawa noong Mayo 2025, hinarap ni Corazon Octavio ang patung-patong na multa dahil sa mga hindi nabayarang hulog sa pabahay.
Habang inuuna ang mga obligasyon na may kinalaman sa bahay at lote at pagpapatakbo ng kanyang sari-sari store, nag-apply si Corazon sa Condonation program ng NHA.
Matapos makapagbigay ng paunang bayad upang maiwasan ang kanselasyon ng kanyang housing account, ipinaalam sa kanya ng NHA ang tungkol sa programa.
Dahil sa Condonation 7 Program, naipagpatuloy niya ang pagbabayad para sa kanilang tahanan habang nananatiling may kakayahang pinansyal at hindi nagiging pabigat sa kanyang mga anak.
Sa pagtatapos ng programa, muling iginiit ni Tai ang pangako ng ahensya sa pagsusulong ng mga ligtas at komprehensibong programang pabahay sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) bilang tugon sa bisyon ng Bagong Pilipinas.
Matapos ang walong buwan na pagpapatupad, mayroong 14,330 pamilya ang nakinabang sa malaking diskwento na inilabas ng NHA.
Nakatakdang magtapos ang programa sa Disyembre 31, 2025.

