Estrada

Estrada nagpaliwanag sa pahayag ukol sa CCTV

43 Views

SINABI ni Senador Jose “Jinggoy” Estrada na kinuha sa maling konteksto ang kanyang pahayag tungkol sa CCTV footage tungkol putukan sa Senado noong Mayo 13.

Naglabas ng paglilinaw si Estrada matapos umani ng batikos online ang kanyang pahayag na, “Itago n’yo ‘yung CCTV,” kasunod ng insidente ng putukan sa gusaling ginagamit ng Senado at Government Service Insurance System.

Nagsimula na ang joint investigation ng National Bureau of Investigation at Philippine National Police sa palitan ng putok at sinabi ng mga opisyal na walang inaprubahang operasyon para arestuhin si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

“Kung pagbabasehan ang real-time footage na kuha matapos ang shooting incident, malinaw na ang aking sinabi ay pagsang-ayon sa naging usapan na i-secure at pangalagaan ang CCTV footage na maaaring magsilbing mahalagang ebidensya sa insidente ng pamamaril,” ani Estrada.

Ipinag-utos ni Senate President Alan Peter Cayetano ang pag-secure sa CCTV footage sa gitna ng kaguluhan matapos ang shooting incident.

Sinabi rin niya na maririnig si Senate President Pro Tempore Loren Legarda na nagtatanong kung nahagip ng CCTV ang pangyayari.

Iginiit ni Estrada na malinaw ang konteksto ng usapan at wala itong ibang kahulugan.

Umapela si Estrada ng patas at nasa wastong konteksto na pagbabalita sa insidente, at sinabing may ilang ulat at online posts na nagbigay ng ibang kahulugan sa kanyang pahayag.

“Nakakalungkot na may ilang media outlets at online platforms na sadyang binaluktot ang aking pahayag upang lagyan ito ng malisya at maghasik ng maling interpretasyon sa publiko,” sabi ni Estrada.

Sinabi niya na maaaring magdulot ng kalituhan sa publiko ang kulang o maling impormasyon, lalo na sa mga sensitibong insidente.

“This is not journalism. This is reckless sensationalism masquerading as news,” ani Estrada.

Nanawagan si Estrada sa mga kasapi ng media na pairalin ang fairness, accuracy at professionalism sa pagbabalita.

“Journalism carries with it the solemn responsibility of presenting facts truthfully and in proper context.

Hindi dapat gawing negosyo ang paninira, at lalong hindi dapat gawing libangan ang pagpapakalat ng maling impormasyon,” dagdag niya,” sabi ng senador.