Calendar
Source: File photo
Estudyante tiklo sa pagbugbog, pagnanakaw sa Nueva Ecija
ARESTADO ang isang 18-anyos na estudyante nitong Huwebes dahil sa umano’y pagnanakaw at pambubugbog sa isang lalaki sa Gapan City, Nueva Ecija.
Sa ulat kay PRO director Brig. Gen Jean Fajardo, kinilala ng Nueva Ecija police ang biktima na si alyas Manuel, 53, appliances technician, habang ang suspek ay ang estudyanteng si alyas Barry, 18, kapwa residente ng Bgy. Mangino, Gapan City, Nueva Ecija.
Sa inisyal na pagsisiyasat, napag-alaman sa pulisya ng Gapan City ang tungkol sa lalaki na natagpuang walang malay sa harap ng kanyang bahay.
Natagpuan ng mga rumespondeng pulis ang biktima na nakahandusay sa semento at maraming sugat sa mukha habang ang suspek ay nakitang papatakas sa lugar kaya agad na inaresto ito ng mga pulis.
Sinabi ng pamilya ng biktima sa mga pulis na puwersahang kinuha ng suspek ang P300,000 cash ng biktima at nang manlaban ang biktima ay binugbog siya ng suspek.
Nasa kustodiya na ngayon ng Gapan City police ang suspek.

