Calendar
Maliligayang araw ng 5 HVI, 24 SLI sa Calabarzon tinuldukan
Camp BGen Vicente P. Lim — Sa loob lamang ng dalawang araw na operasyon mula Hunyo 10 hanggang Hunyo 11, 2025, matagumpay na naaresto ng Police Regional Office 4A ang 5 high-value individuals (HVI) at 24 street-level individuals (SLI) sa magkakahiwalay na anti-illegal drug operations sa rehiyon ng CALABARZON.
Sa kabuuan, nakumpiska mula sa mga operasyon ang 145.79 gramo ng shabu at 26.31 gramo ng marijuana, na may tinatayang halaga na P994,529.20.
Ayon kay PBGen Paul Kenneth T Lucas, Regional Director ng PRO 4A, ang operasyon ay bahagi ng kanilang mas pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga sa rehiyon alinsunod sa direktiba ng Pangulo na hulihin at panagutin ang mga sangkot sa iligal na droga maging maliliit na pusher o street level individuals.
“Ang mga seryeng ito ng matagumpay na operasyon ay nagpapakita ng determinasyon ng ating kapulisan na sugpuin ang ilegal na droga sa bawat komunidad,” dagdag ni RD Lucas.
Hinimok ng PNP ang patuloy na kooperasyon ng mamamayan sa pagsusumbong ng mga kahina-hinalang aktibidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong CALABARZON.
Ang mga naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay kasalukuyang nasa kustodiya. ng kapulisan ng PRO CALABARZON para sa wastong dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso sa ilalim ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

