Calendar
Estudyanteng bosero binatikos ng ex-congresswoman
BINATIKOS ni dating OFW Partylist Rep. Marissa Magsino ang estudyante sa Muntinlupa City na nahuli sa CCTV na naninilip sa isang babae gamit ang kanyang cellphone.
Mariing kinondena ng mga netizen, kasama na si Magsino, ang insidente, lalo na ang umano’y kawalan ng respeto sa babae na dapat ay tinatrato nang may dignidad at hindi ginagawang bagay ng pagnanasa o target ng anumang uri ng kabastusan.
Binigyang-diin ni Magsino na hindi dahilan ang pagiging estudyante, edad o anumang personal na kalagayan upang bigyang-katwiran ang pambabastos sa kababaihan.
Ang bawat tao ay may karapatang maging ligtas at malayang makagalaw sa pampubliko at pribadong lugar nang hindi nakaranas ng harassment o hindi kanais-nais na pag-uugali, ayon sa dating congresswoman.
Dahil sa ginagawa ng estudyante, maaaring pamarisan din siya ng iba pang mag-aaral na nag-aakalang katuwaan lamang ang pamboboso sa mga kababaihan gayong isa itong lantarang paglapastangan sa dangal ng mga kababaihan.
Pagbibigay diin ni Magsino na dapat papanagutin ang nasabing estudyante upang magsilbing babala ang kanyang kaso tungkol sa pagrespeto sa mga kababaihan.
Gayunman, mahalaga na hayaang dumaan sa tamang proseso ang reklamo upang matukoy ang buong pangyayari at pananagutan ng mga sangkot.
Ang CCTV footage at iba pang ebidensiya ay maaaring makatulong sa imbestigasyon ng kinauukulang awtoridad.
Nananawagan si Magsino sa mga kabataan na gawing aral ang insidente para matutunan nila ang respeto sa kababaihan at hindi opsyon kundi isang pangunahing asal na dapat matutunan at isabuhay.
“Hindi dapat maging normal o katanggap-tanggap ang pambabastos—online man o personal,” sabi ni Magsino.
