NAIA

BI napigilan 3 Pinay na pa-Cambodia na mabiktima ng human trafficking

Jun I Legaspi Oct 2, 2026
15 Views

NAPIGILAN ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang tatlong babae na mabiktima ng human trafficking noong Setyembre 25.

Sa ulat ng Immigration Protection and Border Enforcement Unit (I-Probes) kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, sinabi na ang tatlong pasahero ay naharang sa departure area ng NAIA Terminal 1 habang tinatangkang lumabas gamit ang mga umano’y pekeng mga dokumento.

Bagama’t nagpahayag ang mga pasahero na patungo sila sa Vietnam, natuklasan ng mga opisyal na nakatakda silang pumunta sa Phnom Penh, Cambodia, batay sa kanilang E-class Cambodian visas.

Napansin ng mga immigration officer ang mga hindi tugma at magkasalungat na detalye sa kanilang destinasyon, haba ng pananatili at iba pang kalagayan ng kanilang biyahe.

Nadiskubre rin ang mga kahina-hinala at umano’y binagong dokumento gaya ng bank certificates, certificates of employment at business registration papers.

Ayon sa I-Probes, pinaghihinalaan na ang tatlong pasahero ay maaaring na-recruit para sa trabaho sa Cambodia.

Ilang Pilipino na ang nailigtas mula sa trafficking at ilegal na recruitment na konektado sa mga online scam operations sa Cambodia.

Nagbabala si Commissioner Viado sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho abroad na mag-ingat sa mga alok na may hindi pangkaraniwang mataas na sahod o malabong kasunduan sa trabaho.

“Huwag basta-basta magpaloko sa mga pangakong mataas na sahod sa ibang bansa, lalo na kung hindi malinaw ang kalagayan ng alok,” ani Viado.

Ang tatlong pasahero ay isinangguni sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang pagsusuri, imbestigasyon at kaukulang aksyon, kabilang ang posibleng pagsasampa ng kaso laban sa kanilang recruiter.

Muling pinaalalahanan ng BI ang mga Pilipinong aalis ng bansa na magbigay ng tapat na impormasyon sa immigration inspection kung aalis ng bansa.