Calendar
Getaway motorycle sumemplang, ‘holdaper’ nahulog, timbog
ARESTADO ang 46-anyos na lalaki matapos umanong holdapin ang Grab driver sa Brgy. Katipunan, Quezon City nang mahulog sa motorsiklo habang tinutugis ng mga pulis noong Huwebes.
Kinilala ang suspek sa alyas Tristan, na inaresto ng mga tauhan ng Masambong Police Station 2.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas-11:30 ng gabi, nagpapahangin ng gulong ng Toyota Avanza ang biktima sa Shell gas station nang lapitan ng dalawang lalaki na sakay ng itim na Honda Click.
Bumaba umano ang angkas at tinutukan ng baril ang biktima sabay deklara ng holdap.
Kinuha ng mga suspek ang itim na shoulder bag ng biktima na naglalaman ng P640 at 2 IDs at saka tumakas.
Humingi ng tulong ang biktima sa mga pulis na nagpa-patrol sa lugar.
Hinabol ng mga pulis ang mga suspek hanggang sa mawalan ng kontrol sa motorsiklo at sumemplang kaya naaresto.
Nakatakas ang kasabwat ng suspek na tumakbo.
Narekober sa suspek ang shoulder bag at mga gamit ng biktima, isa pang itim na shoulder bag na umano’y pag-aari ng kanyang kasabwat, laruang baril na may magazine at ang motorsiklong ginamit sa panghoholdap.
Isasampa ang kasong robbery laban sa suspek sa Quezon City Prosecutor’s Office.

