Rea

Event singer na si Rea Gen natupad ang pangarap bilang TNT 7 grand champ

Eugene Asis Jan 29, 2024
179 Views

ReaNATUPAD ng event singer mula sa Caloocan na si Rea Gen Villareal ang pangarap na titulo bilang bagong kampeon ng longest-running singing competition sa bansa na “Tawag ng Tanghalan” ng It’s Showtime sa ‘Huling Tapatan’ nito matapos ang ika-apat na subok sa nakaraang seasons.

“Hindi pa rin ako makapaniwala hanggang ngayon kasi hindi ko rin ineexpect na mananalo ako dahil ilang beses na rin akong natalo. Sa ika-apat kong balik ayun nanalo na po ako bilang grand champion,” saad ni Rea Gen matapos niyang itinanghal na bagong kampeon ng “TNT.”

Dagdag niya na dahil sa suporta at kumpiyansa ng kanyang pamilya at kaibigan kaya naman hindi siya sumuko at pinagpatuloy niya ang kanyang pangarap.

Unang round pa lang ay pinabilib agad ni Rea Gen ang hurados ng nagpasiklab siya sa pagperform ng medley ng kanta ng The Company. Nanguna nga siya sa first round at ipinagpatuloy ang kanyang magandang simula sa pagkanta naman ng awitin ng Eraserheads na “Ang Huling El Bimbo” kaya naman nakamit niya ang highest combined average score na 97.4% mula sa hurados.

Tinalo nga niya sina Eunice Encarnada na may 92.9% at ang Hurado’s choice si Vensor Domasig na nakakuha ng 88.6%.

Nagsilbing hurados para sa “Tawag ng Tanghalan Season 7: Ang Huling Tapatan sina Gary Valenciano, Louie Ocampo, Ogie Alcasid, Marco Sison, Nonoy Zuniga, Erik Santos, Jolina Magdangal, Jed Madela, Dingdong Avanzado, Darren, Kean Cipriano, Jona, Klarisse de Guzman, at Mark Bautista.

Bilang bagong grand champion, nag-uwi siya ng P1 milyon, isang ABS-CBN Music recording contract, isang management contract sa ilalim ng Polaris ng Star Magic, at tropeyong dinisenyo ni Toym Imao. Samantala, nakakuha naman si Eunice ng ₱300,000 at nanalo naman si Vensor ng ₱100,000.

Nauna namang namaalam sa kompetisyon sina Aboodi Yandog at Jhon Padua matapos makakuha ng pinakamababa na average combined scores sa medley round.

Marami namang Pilipino ang tumutok sa pagkapanalo ni Rea Gen kaya naman top trending ang #ShowtimeTNT7AngHulingTapatan at nakakuha naman ng 313,099 peak concurrent views ang programa.

Sa pagtatapos ng ikapitong season ng “Tawag ng Tanghalan,’ aabangan naman sa It’s Showtime ang pagpapakitang gilas ng mga batang kontesero at kontesera sa bagong season ng “TNT Kids.”