Martin

‘Evil hoarders’ binalaan ni Speaker Romualdez

Dr. Ted Herbosa Feb 23, 2023
201 Views

BINALAAN ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mga ‘evil hoarder’ na itigil na ang kanilang ginagawang pagpapahirap sa taumbayan.

Kasabay nito ay pinuri ni Speaker Romualdez ang inter-agency task force, sa pangunguna ng Bureau of Customs (BOC) sa mga operasyong isinagawa nito sa mga warehouse kung saan itinatago ang suplay ng sibuyas at bawang.

“Kinausap natin ang ating law enforcement agencies para i-raid ang warehouses na hinihinalang nasa likod ng hoarding ng sibuyas at bawang. Ito ang nagpapahirap sa taong-bayan na dahilan ng inflation at pagtaas sa presyo ng mga bilihin,” sabi ni Romualdez.

Sinalakay kamakailan ng mga tauhan ng BOC sa pinamumunuan ni Commissioner Bienvenido Rubio ang 24 warehouse sa Maynila at Malabon at nakuha roon ang may P150 milyong halaga ng imported na bawang at sibuyas.

“I reiterate my warning to these evil hoarders and unscrupulous businessmen. We are breathing down your necks. Tuldukan na ninyo na ang inyong mga gawain na nagpapahirap sa ating mga kababayan,” ani Speaker Romualdez.

Nauna ng iginiit ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na maproteksyunan ang mga mamimili at ang mga magsasaka na binibiktima ng mga hoarder sa paglikha ng mga ito ng artificial shortage upang tumaas ang presyo upang lumaki ang kanilang kita.

Dala ang Letters of Authority (LOA) mula kay Rubio, sinalakay ng mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP), Philippine National Police (PNP), at Philippine Coast Guard (PCG), ang mga lugar kung saan posibleng itinatago ang mga imported na sibuyas at bawang.

Sa nakaraang pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni Quezon 1st district Rep. Wilfrido Mark Enverga naiugnay ang malaking pagtaas ng presyo sa sibuyas at bawang sa pag-ipit ng mga hoarder sa suplay upang magkaroon ng artificial supply shortage.

Ginagamit din umano ang artificial shortage na dahilan upang makapag-angkat ng sibuyas, na nagpapahirap naman sa mga magsasaka.

“Mabigat at nagsasanga-sanga ang mga problema na dulot ng hoarding. Nandiyan ang inflation, mga pasakit sa mga magsasaka at konsyumer, at kahirapan. Kaya lalabanan natin ito hanggang sa huli sa tulong ng BOC at lahat ng ating mga ahensiya,” sabi ni Speaker Romualdez na siyang nasa likod ng isinasagawang imbestigasyon ng Kamara sa hoarding ng sibuyas.

Bukod sa produktong agrikultura, tinututukan din ng BOC ang mga pekeng produkto.

Noong Martes ay nakumpiska ng mga tauhan ng BOC ang tinatayang P1.5 bilyong halaga ng counterfeit na mga produkto sa isang storage facility sa Pasay City.