Calendar

Ex-DILG sec sinuportahan sa Central Luzon
SOLID ang suporta kay dating DILG secretary Benhur Abalos Jr. mula sa mga local chief executives sa Central Luzon.
Sa pagtitipon ng mga pinuno mula sa Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, at Zambales, sabay-sabay ipinahayag ng mga lider ang suporta sa kandidatura ni Abalos.
Kabilang sa mga tumindig para kay Abalos si Zambales Gov. Hermogenes Ebdane.
“Kung mayroon mang isang nararapat dapat na kandidato na maupo bilang senador, siya yan,” sabi ni Ebdane.
Sinundan ito ni Aurora Gov. Reynante Tolentino na nanawagan ng pagkakaisa sa buong rehiyon para kay Abalos. “Sa Region 3, suportahan po natin ang ating Sen. Abalos,” ayon sa opisyal.
Sa Tarlac, tiniyak ni Gov. Susan Yap ang kanilang suporta sa dating mayor.
Ipinahayag din ni Bulacan Congressman Boy Cruz ang kanilang buong suporta.
“Nakasuporta po ang lahat ng mayor ng Bulacan para po sa inyo. Pipilitin po namin ang lahat ng aming magagawa para kayo maging number 1,” sabi niya.
Kinatawan naman ni Vice Gov. Emmanuel Umali si Gov. Oyie Umali ng Nueva Ecija at ibinahagi ang koneksyon ni Abalos sa kanilang lalawigan.
“Asahan nyo po senator, alam po namin ang lalawigan ng Nueva Ecija inyong probinsya din po dahil po sa inyong manugang ‘dun sa Aliaga.”
Nagpasalamat si Abalos sa pagtanggap at suporta ng rehiyon.
“Talagang taus-puso po akong nagpapasalamat sa inyo. Si General Ebdane, kasama ko po siya dati noon.
He’s always helped me through time. Governor Susan, maraming salamat sa iyo. Sa grupo ng Tarlac, hindi ko kayo makakalimutan.
Governor Tolentino, maraming salamat for the whole group for your kind endorsement.”
Iginiit ni Abalos ang kanyang mga isinusulong na panukala para sa kapakanan hindi lamang ng Gitnang Luzon kundi ng buong bansa.
Ito ang pagtanggal ng VAT sa kuryente at buwis sa langis para sa power generation, pagpapalawak ng programa para sa mga magsasaka at kanilang pamilya at pagbibigay ng gratuity pay at insentibo para sa mga job order at contract of service workers sa gobyerno.