Calendar
Ex-jowa pinatay ni kagawad; pumatay kalaboso
TIMBOG sa Las Pinas City ng mga pulis ang 47-anyos na kagawad ng barangay na suspek sa pagpaslang sa dati niyang karelasyon.
Sa ulat ni Southern Police District (SPD) director P/Col. Glenn Oliver Cinco, napatay ng suspek na si alyas Melvin ang biktimang si alyas Glyza sa bahay ng barangay coordinator na si alyas Gina sa Edsen compound, Brgy. Manuyo Dos.
Habang nag-uusap ang dalawa, dumating ang suspek at nagpilit na kausapin ang biktima pero ayaw makipag-usap lalo na ng tangkain kunin ng kagawad ang mobile phone ng dating karelasyon para basahin ang mga nilalaman nito.
Nang tumanggi ang biktima, dito na siya pinagsasaksak ng ilang ulit ng suspek, gamit ang dalawang uri ng patalim.
Isinugod pa sa Las Pinas Doctors Hospital ang biktima subalit idineklarang patay na sanhi ng mga tinamong tama ng saksak.
Kasong murder ang isinampa ng kapatid na babae ng biktima laban sa suspek na nakapiit ngayon sa custodial facility ng Las Pinas City police.
