Fetus nahalukay ng scavenger sa basura sa Valenzuela

Edd Reyes Jul 19, 2024
48 Views

TUMAMBAD sa 18-anyos na scavenger ang patay na lalaking fetus habang nagkakalkal sa bunton ng basura Huwebes ng gabi sa Valenzuela City.

Kaagad na ini-report sa barangay at pulisya ng scavenger na residente ng Barangay Punturin ang nadiskubreng fetus dakong alas-10 ng gabi.

Ang fetus ay nakabalot ng tela at nakasilid sa berdeng plastic bag sa bunton ng basura sa harap ng isang convenience store sa Kabesang Porong Street sa naturang barangay.

Kaagad namang iniutos ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban sa kanyang mga tauhan ang pagsusuri sa mga nakakabit na CCTV sa convenience store at mga katabi pang establisimiento upang makilala kung sino ang nagtapon ng lalaking fetus.

Sa isinagawang backtracking ng pulisya sa kuha ng CCTV, nakita ang ginawang pagtapon ng isang babae sa berdeng plastic bag na pinaglagyan ng fetus, kaya nakilala ang kanyang pagkatao ng barangay at pulisya.

Napagalaman na nadakip na ng pulisya ang suspek na si alyas “Daisy,” 31-anyos, noong Mayo 10, 2024, na noon ay kasalukuyang nagdadalang-tao dahil sa reklamong estafa at nakatakda siyang dumalo sa pagdinig Biyernes ng umaga sa Valenzuela Metropolitan Trial Court Branch 108.

Dito na siya inabangan ng mga pulis na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.