Calendar
FFW suportado panawagan ng transparency sa pagre-review sa Jeepney Modernization Program
SINUSUPORTAHAN ng Federation of Free Workers (FFW) ang panawagan ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na magkaroon ng “transparency” sa isasagawang review ng Department of Transportation (DOTr) para sa Modernization program ng mga Jeepney.
Sa panayam ng People’s Taliba, sinabi ni Atty. Sonny Matula, Pangulo ng FFW, na pinapaboran nila ang naging pahayag ni Pimentel na nananawagan sa DOTr na maging transparent patungkol sa mga magiging supplier ng Public Utility Vehicles (PUV) modernization program.
“We need to know if we tap Filipino labor, use domestic materials and locally produced goods in this jeepney modernization,” ayon kay Matula.
Ipinaliwanag ni Matula na batay sa itinatakda ng Section 12, Article XII ng 1987 Philippine Constitution. Isinasaad dito na: “The State shall promote the preferential use of Filipino labor, domestic materials and locally produced goods and adopt measures that help make them competitive”.
Sinabi pa ni Matula na para matiyak na magiging polido o kaya naman ay walang idudulot na problema partikular na para sa mga PUV drivers ang modernization program para sa mga jeepney.
Sinasang-ayunan din ni Atty. Matula ang ibinibigay na panukala ni Pimentel na six-month suspension ng nasabing programa.
Kasabay nito, sinegundahan naman ng chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang pagpapatawag ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez ng imbestigasyon kaugnay sa korupsiyon sa jeepney modernization.
Binigyang diin ni Valeriano na napakahalagang magkaroon ng isang malalim o masusing imbestigasyon para huwag mabahiran ng katiwalian ang isinusulong n modernisasyon ng mga jeepney sapagkat maaari nitong masira ang magandang layunin na inilalatag ng pamahalaan.