canada Gilgeous-Alexander: Hindi nagpa-awat para sa Canada. FIBA photo

FIBA: SGA binuhat ang Canada kontra Slovenia

Robert Andaya Sep 7, 2023
157 Views
NASAPAWAN ni Shai Gilgeous-Alexander ang kapwa NBA superstar na si Luka Doncic at pinayuko ng Canada ang Slovenia, 100-89, upang masungkit ang kanilang kauna-unahang ticket sa semis sa makulay na kasaysayan ng FIBA World Cup.
Nakatitiyak na din ang Canada ng kanilang pwesto  sa  pinakahihintay na  2024 Paris Olympics bilang isa sa top two teams mula America.
Haharapin ngayon ng Canada ang Serbia, na nagwagi laban sa Lithuania, 87-68, noong Martes sa semifinals para sa karapatan na lumaro sa championship laban sa mananalo sa sagupaan ng wala pang talong Germany at  five-time champion United States sa Biyernes.
Tulad ng inaasahan,  ang Canada-Slovenia game — na nilaro sa harap ng sellout crowd na 11, 720 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City — ang  naging pinaka-kapanapanabik na sagupaan sa quarterfinal round na kung saan nagtuos ang dalawa sa mga pinaka magagaling na players mula NBA.
Nagpasiklab si Gilgeous-Alexander sa kanyang 31 points sa 8-of-21 shooting kasama ang 10 rebounds sa loob ng 36 minutes, habang si Doncic ay gumawa ng  26 points sa 8-of-20 clip, five assists at four rebounds bago itinapon sa laro dahil sa patuloy na pag-reklamo sa mga tawag ng referees higit sa anim na minuto pa bago matapos ang laro.
“It’s a big honor (reaching the semifinals). But we’re not satisfied with the win against Slovenia. We want to win the gold,” pahayag ni Gilgeous- Alexander, ang 6-6 NBA All Star mula sa  Oklahoma City Thunder, matapos ang panalo.
“They played great, it was very physical. They have one of the best players in the world so it was really tough to guard him. But I’m proud of my team. We were close. Playing for your country, it’s a
lot of emotions. You wanna give your best, you wanna die out there,” sambit naman ni Doncic.
Naging malaking bahagi din ng panalo ng Canada sina New York Knicks guard RJ Barrett, na nag-ambag ng  24 points at  nine assists, Dillon Brooks, na may  14 points, three rebounds at three assists; at  Nickeil Alexander-Walker, na may 14 points at three rebounds.
Nakatuwang naman ni Doncic sina Klemen Prepelic at Zoran Dragic, na may  22 at 10 points para sa  Slovenia, na umaasang  makakapasok sa semis sa kaunaunahang pagkakataon simula makamit ang kanilang kalayaan noong 1991.
Tunay na naging kapanapanabik ang laro mula simula, na kung  tabla sa 50-50 ang iskor sa  halftime  at umabot sa 18  ang mga lead changes at anim ang  ties.
Nagsimulang lumayo ang Canada  matapos magpakawala ng 19-5 bomb sa pangunguna nina Gilgeous-Alexander at Barrett.
Pinilit pa ng Slovenia na makabawi, na kung saan nagpakita ng kanyang patented step-back 3 si Doncic at nagdagdag ng dalawang free throws si Prepelic bago matapos ang third quarter.
Gayunman,  hawak pa din ng Canada ang  80-71 lead  sa pagsisimula ng fourth quarter.
Five straight points ni Barrett — isang  three-point play  at a driving layup– na sinundan pa ng dalawang  free throws ni Gilgeous-Alexander ang nagbigay sa Canada ng  87-71 advantage sa huling 8:22 ng laro..
Isa pang three-point shot mula naman kay Brooks mula assist ni  Kelly Olynyk ang lalo pang nagpalawig sa kalamanga ng Canada,  92-76 .
Matapos nito, halos magkasunod na itinapon sa laro sina Brooks at Doncic.
Hindi na nakabawi pa ang  Slovenia  mula dito.
“Congrats to team Canada, they have a great team, great players, great coach,” sabi ni Slovenia head coach Aleksander Sekulic.
“I’m proud of the guys, we faced a lot of problems and injuries. What they did, this is beyond amazing. I felt like the whole arena was cheering for us. There were a couple of guys who didn’t like us,
but what can we do,” dagdag pa niya.
The scores:
Canada (100) — Gilgeous-Alexander 31, Barrett 24, Brooks  14, Alexander-Walker 14, Dort 8, Olynyk 7, Alexander 2, Powell 0, Ejim 0.
Slovenia (89) — Doncic 26,K. Prepelic 22, Dragic 10, Nikolic 8, Tobey 8, Hrovat 7, Blazic 3, Cebasek 3, Dimic 2, B. Prelepic 0.
Quarterscores: 26-24, 50-50, 80-71, 100-89.