USA Reaves: Pakitang gilas para sa United States. FIBA photo

FIBA: USA nagpakita ng bangis laban sa Italy

Robert Andaya Sep 6, 2023
193 Views

BAHAGYA lamang pinagpawisan ang five-time champion United States bago pinabagsak ang Italy, 100-63, at umabante sa semifinal round ng FIBA World Cup 2023 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City kagabi.

Nagpakitang gilas si Brooklyn Nets guard Mikal Bridges sa kanyang team-high 24 points sa nakabibilib na panalo ng United States laban sa Italy sa kanilang inaabangang quarterfinal showdown.

Nakatuwang niya sina Indiana Pacers guard Tyrese Haliburton, na nag-dagdag ng 18 points sa 6-of-8 shooting mula three-point area, at Los Angeles Lakers guard Austin Reaves, na nag-ambag naman ng 12 points, four rebounds at three assists para sa mga Amerikano, na nakatitiyak na sa semis dalawang taon matapos ang nakapanglulumong seventh-place finish sa 2019 edition sa China.

Hihintayin na lamang ng USA team, na pinapatnubayan ngayon ni coach Steve Kerr, ang mananalo sa labanan ng Germany at Latvia para sa karapatan na maglaro sa gold medal game sa Linggo.

Ang nasabing 37-point talo ng Italy sa USA ang maituturing na pinakamasama sa kanilang paglalaro sa World Cup at Olympics sa loob ng 55 na taon.

Base sa mga data, ang huling pinakamasaklap na kabiguan ng mga Italians ay nung 1968 Mexico Olympics, na kung saan natalo sila 61-100 sa mga kamay din ng United States.

“It was our best defensive effort of the tournament to this point, and that’s what it’s going to take to win two more games,” pahayag ni Kerr matapos ang sagupaan.

“You always wanna respond to a loss with a competitive effort, and the joy and competitiveness go hand in hand when you compete and play with that kind of force and energy,”dagdag pa niya.

At hindi gaya nung makalasap sila ng upset na 104-110 kabiguan sa Lithuania sa kanilang round-of-16 encounter, maagang nagpakita ng bangis ang mga Amerikano.

Sa katunayan, 11 sa 12 players na pinglaro ni Kerr ay nakasama sa scoring parade, gaya nina Jalen Brunson na may nine points at Brandon Ingram at American-Italian Paolo Banchero, na kapwa may eight points.

Hindi na kinailangan pa ng mga Amerikano ang tulong ni Minnesota Timberwolves star Anthony Edwards, na kanilang leading scorer na may 20.2 points a game. Si Edwards ay nagtapos ng may tatlong puntos sa loob ng 18 minutes.

Sa kabuuan, ang mga Amerikano ay gumawa ng 36-of-67 shooting para sa 53.7 percent, kabilang ang 17-of-36 mula three-point region para sa 47.2 percent.

Si Bridges ay mainit sa kanyang 8-of-11 shooting, na katumbas ng 72 percent.

Samantala, namuno para sa Italy si Simone Fontecchio sa kanyang 18 points sa 6-of-13 shooting, bukod sa five rebounds at two steals.

Gayunman, nabigo ang Italy na makapasok sa semifinals gaya nung 1978 edition ng FIBA World Cup, na ginanap din sa Manila.

The scores:

USA (100) –Bridges 24, Haliburton 18, Reaves 12, Brunson 9, Banchero 8, Ingram 8, Portis Jr 7, Hart 5, Kessler 4, Edwards 3, Jackson Jr 2, Johnson 0.

Italy (63) –Fontecchio 18, Tonut 11, Spissu 8, Melli 5, Ricci 5, Diouf 4, Severini 4, Procida 4, Datome 3, Polonara 1, Pajola 0, Spagnolo 0.

Quarterscores: 24-14, 46-24, 83-44 100-63.