BBM

Fil-Am Vanessa Anne Hudgens ginawaran ni PBBM ng Global Tourism Ambassador Award

197 Views

GINAWARAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Filipino-American actress at digital influencer na si Vanessa Anne Hudgens ng Global Tourism Ambassador Award bilang bahagi ng promosyon ng turismo ng Pilipinas.

Tinanggap ni Hudgens ang award sa kanyang courtesy call kay Pangulong Marcos sa Palasyo ng Malacanang.

Dumalo sa awarding ceremony sina Presidential Adviser on Creative Communications Paul Soriano at Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Frasco.

Sinabi ng Pangulo kay Hudgens na makikita sa Palasyo ang kasaysayan ng Pilipinas.

“Beyond that, it has a lot of history for me. I lived here 20 years and now I’ve come back to live here again,” sabi ni Pangulong Marcos.

Pumunta rin sa Palasyo ang ina ni Hudgen na si Gina na nag-ugat sa Ozamiz City, at kanyang kapatid na si Stella, PJ Lhuillier Group of Companies president at CEO Jean Henri Lhuillier at Vista Land and Lifescapes president at CEO Manuel Paolo Villar III.

Ang inisyatiba ay bahagi ng branding campaign at marketing strategy upang mahikayat ang mga dayuhan na bumisita sa bansa.

Si Hudgens ay napili ng Office of the Presidential Adviser on Creative Arts (OPACC) at DOT na maging Global Tourism Ambassador ng Pilipinas. Siya ay mayroong 49 milyong follower sa Instagram, 6.5 milyong follower sa Twitter, 17 milyong follower sa Facebook, at 239,000 follower sa YouTube.