Online

Fintech firms mahalaga sa pagsugpo ng online gambling

333 Views

BINIGYANG-DIIN ni Senador Sherwin Gatchalian ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga kumpanyang nasa financial technology (fintech) sa pagpigil sa pagkalat ng online gambling —lalo na’t apektado na ang mga kabataang kabilang sa mga bulnerableng sektor.

Sa kanyang pahayag sa publiko, pinuri ng senador ang hakbang ng ilang fintech firms na higpitan ang kanilang mga patakaran upang hadlangan ang mga transaksyong may kaugnayan sa pagsusugal. “I welcome the stance of fintech companies to tighten the safeguards of online gambling that has now become a scourge for many individuals, including young people,” wika niya.

Ayon kay Gatchalian, hindi maikakaila na ang mabilis na pag-usbong ng online gambling ay direktang kaugnay ng mga bagong teknolohiya sa digital finance. Dahil dito, nanawagan siya ng sabayang pagkilos mula sa fintech companies, mga gaming operator, at mga ahensiyang nagpapatupad ng batas upang mapigil ang pag-abuso sa sistemang ito.

“As the proliferation of online gambling is deeply intertwined with fintech advancements, collaborative action among fintech companies, gaming operators, and law enforcement is vital and necessary,” ayon pa sa senador.

Binigyang-diin din ni Gatchalian na ang tagumpay ng regulasyon ay nakasalalay sa pagkakaisa ng lahat ng sangkot. “Mapupuksa lamang natin ang problemang ito kung buong puwersa tayong nagkakaisa,” mariing sambit niya.

Sa kabuuan, ang mga pahayag ng senador ay bahagi ng patuloy na pagtalakay sa mga patakaran ukol sa digital financial services—na layuning tiyakin ang tamang paggamit nito at iwasan ang pagkakasangkot sa ilegal o hindi kontroladong online gambling.