BBM

Food Stamp Program pinag-aaralang palawigin—PBBM

147 Views

MATAPOS ang matagumpay na paglulungsad ng Food Stamp Program (FSP) sa Siargao Island, Surigao del Norte nitong Biyernes, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pinag-aaralan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na palawigin ang pagpapatupad ng programa sa susunod na buwan.

“I have to say that it’s proceeding smoothly and we will be upscaling it within the next month or so. We are aiming at the next face of this rollout, we are already looking to 3,000 families to be beneficiaries,” ani Pangulong Marcos sa panayam sa kanya sa rice distribution event sa Surigao del Norte.

Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang paglulungsad ng FSP sa Teatro Nan Dapa sa Dapa, Siargao Island kung saan namigay ito ng Electronic Benefit Transfer (EBT) cards, na mayroong lamang 3,000 food credits sa may 50 benepisyaryo sa probinsya.

Bagamat ang FSP ay nasa pilot stage pa lamang, sinabi ng Pangulo na maganda ang nakukuha nitong resulta ng programa na naglalayong tulungan ang mga mahihirap na pamilya lalo na ang mga nasa malalayong lugar.

Nagpasalamat ang Pangulo sa United Nations’ World Food Programme, Asian Development Bank (ADB), at gobyerno ng France sa pagtulong upang maipatupad ang FSP.

Nagbigay ng US$3 milyon ang French Development Agency, ADB at Japan International Cooperation Agency para sa programa. Sa susunod na taon ang target tulungan ay 300,000 pamilya.

“So far, maganda naman kasi. Maganda ‘yung programa na ginawa ng World Food Programme,” sabi ng Pangulo.

Ang FSP ay isang programa ng DSWD na naglalayong bawasan ang mga nagugutom sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng food credit na maaaring gamitin sa pagbili ng pagkain.