Padilla

Foreigner BF, may cameo sa directorial debut ni Bela … aktres, bet maidirek si Liza

Ian F Fariñas Feb 25, 2022
267 Views

HINDI man natuloy ang original choices ni Bela Padilla na sina Liza Soberano at Piolo Pascual sa film directorial debut niyang 366, nagkaroon naman ng cameo appearance ang foreigner dyowa niya na si Norman Bay sa proyektong siya rin ang nagsulat.

Nasa London pa ang aktres hanggang ngayon pero kwento niya sa virtual mediacon, sina Liza at Piolo nga ang first choice niya sa lead roles.

Nag-inquire raw siya sa management ni Liza kaso nagkaroon naman ng pandemya. Si Piolo, nabasa ang script at na-attach sa istorya ng 366 pero kalaunan, nag-iba ng direksyon tungo sa isang real-life fiction.

Bukod dito, nagkaroon din siya ng problema sa location. Mula Hungary, kung saan dapat kukunan ang 90 percent ng movie, nalipat sa Turkey dahil ito lang ang nag-a-accommodate ng foreigners para mag-shoot nu’ng kasagsagan ng Covid-19 crisis.

Ayon sa aktres, ang 366 “is the story of people who were and weren’t given the chance to have an extra day to stop, to live, to cry, to laugh, to forget and to love. We follow their journeys, their joy and their grief.”

Isinulat niya raw ito bago nag-pandemic.

Anyway, nang hindi matuloy si Liza, kinumbinsi si Bela nina Viva Films bosses Vic at Vincent del Rosario na siya na ang gumanap sa karakter kasama ang malalapit niyang kaibigan sa showbiz na sina JC Santos at Zanjoe Marudo.

At dahil initially ay nagka-problema si JC sa papeles, pinag-body double ni Bela si Norman nang nakatalikod sa kamera. Maikli lang daw ang appearance ng BF sa movie at blessing in disguise ang tingin ni Bela sa lahat ng aberyang nangyari.

“I would still love to work with her (Liza) though. Maybe I can work with her someday,” banggit ng aktres, na ang biggest directorial influence ay ang paborito niyang si Wes Anderson.

Hindi man naging madali sa una na maging direktor, aktres at writer all at the same time, naging smooth naman daw ang shooting sa tulong ng creative team na kinabibilangan ng kanyang assistant director at ng box-office lady director na si Irene Villamor.

Nakatakdang umuwi ng ’Pinas si Bela sa April para i-promote ng 366 na mapapanood via streaming sa Vivamax simula April 22.

By third quarter of 2022, may isu-shoot uli siyang pelikula na sa malamang ay pareho rin ang set-up sa 366, this time, sa London.

Sa ngayon, ini-enjoy ni Bela ang pananatili abroad kung saan meron daw siyang “complete aloneness.”

“Back to basics ako ngayon, nawala ang lahat ng bagay na nagpapakumportable sa akin sa Pilipinas,” kwento niya.

Wala nga naman siyang driver doon o assistant at lahat ng gawaing bahay, siya ang umaatupag. At dahil based sa Switzerland si Norman, paminsan-minsan lang sila magkita.

“Complete aloneness is new to me but I’m liking it,” giit ni Bela.