FPJ

FPJ Panday Bayanihan kinilalang top performing party-list

Mar Rodriguez Nov 14, 2026
52 Views

KINILALA ang FPJ Panday Bayanihan Party-list bilang “Top Performing, Most Trusted Party-List in the Philippines” sa Media People’s Choice Awards 2026 noong Nob. 11 sa Camp General Emilio Aguinaldo, Quezon City.

TInanggap ni FPJ Panday Bayanihan Party-list Rep. Brian Poe ang parangal bilang pagkilala sa kanilang mahusay na paglilingkod, pamumuno at tiwalang ipinagkaloob sa kanilang organisasyon ng mga tao.

Kinilala sa awarding ceremony ang 200 lingkod-bayan at opisyal ng pamahalaan mula sa iba’t ibang sangay ng gobyerno dahil sa pagganap sa tungkulin, pamumuno at tiwalang kanilang nakamit mula sa publiko.

Nagpasalamat si Poe sa award na nakuha at itinuring itong isang malaking karangalan.

Nagsisilbing pagpapatibay ng kanilang pagsisikap ang naturang pagkilala. Binigyang-diin niya na hindi dapat nakabatay sa mga natatanggap na parangal ang tunay na halaga ng paglilingkod-bayan kundi sa pagkakataong makapaglingkod at makatulong sa mamamayan.

Iginiit din ni Poe na mahalagang paghirapan at panatilihin ang tiwala ng publiko.

Ang prinsipyong “trust is earned” o ang tiwala ay pinaghihirapan at pinatutunayan, ay nagsisilbing gabay niya sa araw-araw na pagtatrabaho sa Kongreso.

Nangako rin si Poe na patuloy na magsisikap upang mapanatili ang tiwala ng kanyang mga kapuwa lingkod-bayan at ordinaryong mamamayan sa pamamagitan ng tapat, masigasig at makabuluhang paglilingkod.

Dagdag pa rito, ang bagong parangal ay kasunod ng nauna nang pagkilala sa FPJ Panday Bayanihan Party-list bilang kabilang sa Top 10 Outstanding Legislator (Congressmen in the Philippines).