FPJ station bagong tawag sa Roosevelt station ng LRT-1

150 Views

PINALITAN ang pangalan ng Roosevelt station ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at ginawang Fernando Poe Jr. (FPJ), sunod sa pangalan ng namayapang National Artist for Film.

Ayon sa Light Rail Manila Corporation (LRMC), ang operator ng LRT-1, ang pagpapalit ng pangalan ay alinsunod sa Republic Act No. 11608 na nag-uutos na palitan ang pangalan ng Roosevelt Avenue at gawing Fernando Poe Jr. Avenue.

Alinsunod sa RA 11608, naglabas ng resolusyon ang Light Rail Transit Authority (LRTA) at inatasan ang LRMC na palitan ang pangalan ng istasyon.

Isang seremonya kaugnay nito ang ginawa ngayong araw ng Linggo, Agosto 20, kung kailan Ginugunita ang kaarawan ng aktor.

“In renaming Roosevelt Station to Fernando Poe Jr. Station, we hope that Filipinos will always remember and will be inspired by how FPJ lived with values of determination, courage, and hope. LRMC shares these values and supports the promotion of local arts and culture,” ani LRMC President and CEO Juan F. Alfonso.

Dumalo sa unveiling event ang anak ng aktor na si Senator Grace Poe, Senator Manuel “Lito” Lapid, dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Department of Transportation Undersecretary Cesar Chavez, LRTA Administrator Hernando Cabrera, at mga opisyal ng Department of Transportation at LRTA.

Makikita sa FPJ station ang mga memorabilla, pelikula, at iba pang bagay na kumakatawan sa tinaguriang hari ng pelikulang Pilipino.