Calendar

FPRRD, VP Duterte hinamon na humarap sa ICC upang patunayan na wala silang kasalanan
NANINIWALA ang isang miyembro ng House prosecution panel na dapat harapin nina dating Pangulong Rodrigo R. Duterte at Vice President Sara Duterte ang kinakaharap na kaso sa International Criminal Court (ICC) at doon patunayan na wala silang kasalanan gaya ng kanilang sinasabi.
Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, isa sa 11-man House prosecution panel at chairman ng House committee on good government, kapwa abogado ang mag-amang Duterte kaya kanilang naiintindihan na ang pagharap sa kaso ang pinakamainam na hakbang para linisin ang kanilang mga pangalan.
“I don’t think I’m in the position to advise them pero tingin ko parehas naman po silang abogado at sinasabi nila wala naman po silang kinalaman dito, so kung totoo naman po ang paniniwala nila na wala silang kinalaman dito, siguro mas maganda na harapin po nila ito nang sa ganoon maipahayag po nila ‘yung kanilang side,” sabi ni Chua bilang tugon sa tanong sa pulong balitaan.
Giit ng mambabatas ang prosesong legal ng ICC ay hindi naman otomatikong nangangahulugan na may sala sila at dapat samantalahin ng dating pangulo ang oportunidad na ito na depensahan ang sarili sa isang hukom na walang kinikilingan.
“Opo at isumite nila sarili nila para sa gano’n ay malinis din ‘yung kanilang mga pangalan,” dagdag niya.
Sinagot din ni Chua ang pagkuwestyon ni Duterte sa paghabol sa kaniya ng ICC dahil sa ipinatupad na giyera kontra iligal na droga. Sabi ni Duterte, “Anong kasalanan ko? Ginawa ko naman ang lahat sa panahon ko para may konting katahimikan at mapayapa ang buhay ng Pilipino.”
Buwelta ni Chua na ang ipinatupad na kampanya kontra iligal na droga ni Duterte ay nauwi sa extrajudicial killings (EJKs), kung saan marami sa mga indibidwal ay hindi nabigyan ng tamang paglilitis.
“Unang-una meron tayong tinatawag na rule of law. Pangalawa, kaya siya nililitis ng ICC dahil sa crimes against humanity kung saan libu-libo sa mga kababayan natin ang hindi nagkaroon ng pagkakataon na malitis,” ani Chua
“Dito sa kanilang naging war on drugs, marami ang mga naging biktima ng extrajudicial killing. Ngayon hindi lahat ‘yan involved sa droga. Karamihan dyan puro mga kababayan natin na nasa baba o mga miyembro na masasabi natin na talagang walang kalaban-laban,” sabi pa niya.
Punto niya na ang kaso sa ICC ay may sapat na testimonial at documentary evidence na direktang nagtuturo sa pagkakasangkot ni Duterte sa pamamaslang.
“So kung talagang ang purpose natin dyan ay war on drugs, sa dami ng mga nangyari parang nagkaroon ng mass killing noong panahon na ‘yun, so ito ang naging subject ng ICC,” paliwanag ni Chua.
Dagdag pa niya na kung naniniwala si Duterte na siya ay inosente ay maigi na iharap niya ang kaniyang sarili sa international court.
“Ngayon, kung sa tingin niya wala siyang kasalanan, sa tingin ko ito na rin ang pagkakataon para masagot itong mga akusasyon sa kanya sa ICC,” saad niya.
Tinuran pa ni Chua na ang pagtitipon sa Hong Kong ay hindi opisyal na gampaning pang-gobyerno, taliwas sa sinasabi ng mag-amang Duterte.
“At kung makikita niyo ang crowd nila doon ang KOJC… So hindi naman po talaga ang OFW na pangkalahatan. It was a setup program kung saan ang KOJC ang kanilang captured audience,” sabi ni Chua.