Romero1

Free legal aid para sa AFP, PNP members iminungkahi

Mar Rodriguez Jan 4, 2023
234 Views

NAIS ng 1-PACMAN Party List Group sa Kongreso na mapagkalooban ng “free legal assistance” ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na nahaharap sa asunto o demanda dahil sa pagpapatupad ng kanilang tungkulin.

Ito ang nakapaloob sa House Bill No. 4193 na isinulong ni 1-PACMAN Party List Cong. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D. sa Kamara de Representantes na naglalayong mapagkalooban ng libreng legal assistance ang mga tinaguriang “uniformed personnel” na nahaharap sa demanda kaugnay sa pagpapatupad ng kanilang tungkulin bilang alagad ng batas.

Ipinaliwanag ni Romero na dahil sa pagpapatupad nila sa kanilang tungkulin. Kalimitan ay nahaharap sa kasong civil, criminal at administrative cases ang mga tinatawag na Military and Uniformed Personnel (MUP) o “service-related cases”. Kung saan, binabalikat ng mga MUP ang sariling gastos para lamang maipagtanggol ang kanilang sarili.

Dahil dito, sinabi ni Romero na sa ilalim ng HB No. 4193, ang sinomang MUP kabilang na ang mga miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Philippine Coast Guard (PCG) na sinampahan ng kaso sa prosecutor’s office at “administrative body” ay automatikong mabibigyan ng free legal assistance.

Binigyang diin ng kongresista na obligasyon at polisiya ng Estado na pangalagaan ang dignidad at karapatan ng bawat mamamayan partikular na ang mga hanay ng mga nagtatanggol sa Saligang Batas na kinabibilangan ng mga sundalo at pulis o uniformed personnel.

“The State shall provide free legal assistance to military and uniformed personnel (MUP). Including officers and uniformed personnel of AFP, BFP, BJMP, PCG and the PNP in all stages of criminal, civil or administrative proceedings arising from service-related incidents,” paliwanag ni Romero.