Calendar
Free MRT, LRT rides sa Nob 10, 11 iniutos ni PBBM
DAHIL sa masamang panahong dulot ng bagyong Uwan, iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Transportation (DOTr) na magpatupad ng libreng sakay sa MRT-3, LRT-1, at LRT-2 sa November 10 at 11.
Maliban sa mga tren, magde-deploy din ng mga bus ang Office of the President (OP), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Ports Authority (PPA) at ang tanggapan ni Sen. Erwin Tulfo upang magbigay ng libreng sakay sa mga pasahero sa November 10.
Buong araw epektibo ang libreng sakay sa mga sa mga rutang Quiapo-Fairview, Quiapo-Angono, Lawton-Alabang, Roxas Boulevard-Sucat at Taft-Cubao.
Posibleng palawigin pa hanggang November 11 ang libreng sakay sa bus depende sa pangangailangan ng mga pasahero.
Inalis na rin ng PPA ang RoRo terminal fees para sa mga sasakyang maghahatid ng rescue equipment at relief goods para sa mga maaapektuhan ng bagyo.
Kasama dito ang government vehicles, pati na private vehicles na may dalang relief goods o rescue equipment para sa government agencies.
Libre na rin ang cargo fees sa local airlines para sa mga maghahatid ng tulong sa mga nasalantang residente.
Inatasan ni acting Transportation Secretary Giovanni Lopez ang Toll Regulatory Board na gawing libre ang toll ng mga sasakyang reresponde sa mga emergency at rescue operations, at kailangang dumaan ng expressways.
“Buong-pwersa ng DOTr ang nakatutok ngayon sa mga kababayan nating apektado ng super typhoon Uwan.
Mahigpit na utos ng Pangulo na gawin ang lahat para mapadali ang paghahatid ng tulong sa mga kababayan nating apektado ng bagyo kaya maaga tayong nag-mobilize sa lahat ng transportation sectors para mapabilis ang lahat ng relief at rescue operations ng pamahalaan,” ani acting Secretary Lopez.
Tuloy-tuloy din ang pagbibigay ng pagkain at inumin para sa mga pasaherong stranded sa mga port, pantalan at bus terminals, habang binabantayan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang sitwasyon sa mga airports.

