Wifi

Free wifi sa bansa nais ipatupad na!

354 Views

NAPAPANAHON na ang pagbibigay ng libreng internet access sa ating mga kababayan.”

Ito ang layunin na nais bigyan halaga at mapalawak ang internet access sa buong bansa, kung saan ay mariin na nagpahayag ng suporta si Senador Paolo Benigno Bam Aquino sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa ganap na pagpapatupad ng Republic Act No. 10929 o Free Internet Access in Public Places Act.

Sa isang pagpupulong kamakailan lamang, kasama si DICT Secretary Henry Aguda, tinalakay ni Aquino ang mga kinakaharap na hamon sa implementasyon ng batas, lalo na sa mga lugar na kulang o walang koneksyon sa internet. Ayon sa batas, kinakailangang magbigay ng libreng internet sa mga tanggapan ng pamahalaan, pampublikong paaralan, terminal ng transportasyon, ospital, at aklatan.

Sa panig ni Aquino, iginiit niyang mahalagang maisakatuparan nang maayos ang naturang batas. Aniya, “Mahalagang matiyak na naipatutupad nang tama at buo ang batas, lalo na sa panahon ngayon na malaking tulong ang internet access sa mga estudyante. Pinalalawak nito ang oportunidad para matuto at mas pinapadali ang pag-access sa dagdag na kaalaman at learning materials.”

Dagdag pa ni Aquino, nakahanda siyang makipagtulungan sa DICT upang tugunan ang mga hadlang sa implementasyon. “Makikipagtulungan tayo sa DICT para matugunan ang mga hamon sa pagpapatupad ng batas para mabigyan ng mas malawak na access ang ating mga kababayan sa libreng internet,” binigyang-diin niya.

Kasabay nito, iminungkahi ng senador ang paglalaan ng sapat na pondo sa darating na deliberasyon ng pambansang badyet upang maisulong ang buong implementasyon ng batas.

Sa kasaysayan, si Aquino ang nagsilbing pangunahing sponsor at co-author ng Free Wi-Fi Law nang siya ang namuno sa Senate Committee on Science and Technology. Gayundin, co-author rin siya ng Republic Act No. 10844, ang batas na nagtatag sa DICT bilang isang hiwalay na ahensiya ng pamahalaan.