Delima

De Lima nais gawing krimen ang red-tagging

Mar Rodriguez Jul 15, 2025
269 Views

BUNSOD ng masamang epekto na idinulot ng red-tagging” na ipinatupad ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, nais ni Mamamayang Liberal (ML) Party List Representative Leila M. de Lima na ito ay gawing isang uri ng krimen.

Ito ang nilalayon ng House Bill No. 1841 na inihain ni De Lima upang ma-criminalize ang masamang “practice” at pagpapatupad ng red-tagging sa ating bansa na ginamit ng dating administrasyong Duterte laban sa kaniyang mga kaaway.

Pagbibigay diin ng dating Justice Secretary na napakalaking banta sa karapatang pantao ng sinomang mamamayan ang red-tagging sapagkat lantaran itong kinasangkapan ni Duterte laban sa mga taong sumasalungat sa kaniyang administrasyon.

Sinabi pa ni De Lima na hindi naman talaga intensiyon ng dating Pangulo na maprotektahan ang kapakanan ng mamamayang Pilipino laban sa banta ng komunismo at iba pang grupo kundi ang buweltahan ang kaniyang mga kalaban sa politika.

“Banta ang red-tagging sa ating karapatan, kaligtasan at katotohanan. Hindi naman talaga nito layunin na maprotektahan ang kapakanan ng ating mga kababayan. Kundi ang buweltahan ang mga kalaban ng dating Pangulong Duterte,” sabi ni De Lima.

Bukod sa House Bill No. 1841, inihain din ni De Lima ang iba pang mahahalagang panukalang batas o “priority measures” tulad ng House Bill No. 1842 o ang Magna Carta for Barangay Health Workers.

Ayon sa neophyte Lady Solon, nilalayon ng House Bill No. 1842 na ma-institutionalize ang compensation para sa mga BHW sa buong Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapanukala ng monthly honorarium anoman ang maging kalagayan ng isang Local Government Unit (LGU).

“BHW plays an indispensable role in the delivery of health care services in our communities,” wika pa nito.