Martin

‘Walang Gutom’ isang pangako na dapat tuparin — Romualdez

387 Views

TINIYAK ni re-elected Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagsuporta ng Kongreso sa programang “Walang Gutom” ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na pondo sa ilalim ng panukalang 2026 national budget.

Ayon kay Romualdez, walang Pilipino na dapat magutom upang maabot ang potensyal ng mga ito.

“Hindi ito basta proyekto ng ating Pangulong Bongbong Marcos. His vision of a hunger-free Philippines under the Walang Gutom program is a promise of dignity, a pledge of compassion, and a commitment to bring real change to every Filipino family struggling to put food on the table,” ayon kay Romualdez.

Kamakailan ay inanunsyo ng DSWD ang plano nitong palawakin ang programa at mula 300,000 pamilya ay gagawin ng 750,000 pamilya ang tutulungan ng programa.

Nagbibigay ang programa ng P3,000 na buwanang food credits gamit ang electronic benefit transfer (EBT) card para sa pagbili ng piling pagkain sa mga accredited na tindahan.

Pinuri ni Romualdez si Pangulong Marcos sa pagsama ng laban sa gutom program bilang mahalagang bahagi ng Bagong Pilipinas agenda.

“Makikita mo ang puso ng ating Pangulo sa programang ito. Ang laban sa gutom ay hindi lamang polisiya kundi personal niyang misyon. Walang pamilyang Pilipino ang dapat maiwan sa laylayan ng lipunan,” ani Romualdez.

Binigyang-diin din niya ang pagtutulungan ng DSWD at Department of Agriculture (DA) sa pagpapatupad ng “Benteng Bigas, Meron Na!” na nagbibigay ng P20 kada kilong bigas sa mga piling Kadiwa stores at partner retailers para sa mga benepisyaryo ng Walang Gutom.

“Bagama’t hindi pa ito ang presyo ng bigas sa lahat ng tindahan, ito ay malaking tulong sa mga pamilyang pinaka-nangangailangan,” paliwanag niya.

Dagdag pa ni Romualdez, kailangang palakasin pa ang buong sistema ng produksyon ng pagkain—mula sa mga magsasaka hanggang sa tamang kaalaman sa nutrisyon.

“Kung gusto nating wakasan ang gutom, kailangang suportado ang magsasaka sa produksyon, ang mamimili sa abot-kayang presyo, at ang bawat pamilya sa kaalaman at kabuhayan. Hindi sapat ang ayuda—kailangan ito’y tulay tungo sa kaunlaran,” diin ni Romualdez.

Hinimok din niya ang mga kapwa mambabatas na suportahan ang 2026 General Appropriations Bill (GAB) para matulungan ang DSWD at DA na maabot ang kanilang mga layunin.

“This is what makes Walang Gutom a game-changer. It merges compassion with innovation, urgency with sustainability, and short-term aid with long-term empowerment,” aniya. “This is how we build a Bagong Pilipinas—by making sure that government reaches those who need it most, with real solutions that work.”

Sinabi pa ni Romualdez na handa ang Kongreso na kumilos para hindi na maranasan ng maraming Pilipino ang gutom ng sikmura.

“Kapag sabay-sabay tayong kikilos, kaya nating gawing totoo ang Walang Gutom. Para ito sa bayan. Para ito sa bawat Pilipino,” pahayag pa ni Romualdez.