BOC Pinangunahan ni Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan, kasama si BOC Deputy Commissioner Vincent Philip Maronilla, ang inspeksiyon sa shipment ng smuggled na agricultural products sa Manila International Container Port (MICP) noong Oktubre 27, 2025. Source: BOC

Frozen manok na smuggled mula China positibo sa salmonella

242 Views

NAGBABALA si Senador Francis “Kiko” Pangilinan matapos makumpirmang positibo sa salmonella ang mga smuggled na frozen chicken mula China na nasamsam sa Manila International Container Port (MICP), sa isinagawang inspeksiyon niya kasama ang Bureau of Customs (BOC).

Batay sa ulat ng National Meat Inspection Service, ang mga sample ng chicken breast fillet na nakuha mula sa dalawang 40-foot container ay hindi ligtas kainin. Ang naturang shipment, nagkakahalaga ng ₱12.96 milyon, ay idineklara umanong “fish balls” ngunit natuklasang naglalaman ng mga sako ng frozen chicken breast.

“Ito ang sinasabi natin na may kamadang sindikatong talagang gumagalaw dito. Ito ay unfit for human consumption pero tinatambak pa rin sa atin para linlangin ang ating mga kababayan sa mas murang produkto na maari naman magsanhi ng iba’t ibang sakit sa kanila,” ayon kay Pangilinan.

Binatikos ng senador ang mga sindikatong patuloy na nag-iimport ng delikadong karne, na aniya ay “isang krimen—hindi lang laban sa ating ekonomiya, kundi laban sa kalusugan at dignidad ng bawat Pilipino.” Dagdag pa niya, patuloy na naaapektuhan ang mga lokal na magsasaka at mangingisda dahil sa mga smuggled goods na galing China.

“Ang seguridad at kaligtasan ng ating pagkain ay sumasalamin din sa seguridad ng ating bansa. Karapatan ng bawat Pamilyang Pilipino na maging abot-kamay ang ligtas at tamang pagkain,” binigyang-diin ng senador.

Pinangunahan ni Pangilinan, kasama si BOC Deputy Commissioner Vincent Philip Maronilla, ang inspeksiyon sa dalawang container noong Oktubre 27.

Bilang tagapangulo ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, nangunguna si Pangilinan sa kampanya laban sa agricultural smuggling. Sa mga pagdinig ng kanyang komite, ilang broker at opisyal ng Customs ang ipinatawag at itinuring na in contempt dahil sa hindi pakikipagtulungan.

Ayon sa mga impormasyong natanggap ng komite, karamihan sa mga smuggled agricultural products ay nagmumula sa China. Inihalintulad ni Pangilinan ang galaw ng mga sindikato sa operasyon ng mga POGO na nasasangkot sa human trafficking at iba pang ilegal na aktibidad.

Giit ng senador, ipagpapatuloy ng Senado ang pagbuo ng mas mahigpit na parusa at koordinasyon sa pagitan ng mga ahensiya upang maprotektahan ang mga mamimili at mga lokal na prodyuser.