Calendar
Sen. JV nais ng mas malakas na info drive, dagdag pondo sa mental health programs
SA gitna na lumalalang problema sa mental health ng maraming Pilipino, nanawagan si Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito ng mas mataas na pondo para sa mga mental health program sa ilalim ng Universal Health Care (UHC) law, kasabay ng pagdami ng mga Pilipinong nakararanas ng anxiety, depression at iba pang kondisyon habang marami pa rin ang hindi nakaaalam sa mga libreng serbisyo ng gobyerno.
Nakausap ni Ejercito ang mga opisyal ng Philippine Council for Mental Health noong Nobyembre 13 upang suriin ang umiiral na mga programa at tukuyin ang mga kakulangan, lalo na sa primary care facilities. Tumapat ang pulong sa World Kindness Day, na ginamit ng senador upang idiin ang pangangailangan ng mas mahabaging tugon sa mental distress.
“Sakto ang meeting natin ngayong World Kindness Day. Kailangan natin ng dagdag na ‘kindness’ sa araw-araw lalo na sa panahon ng online hate at matinding stress.
Minsan, simpleng ‘kindness’ lang ang magliligtas sa isang tao,” aniya.
Saklaw ng UHC Act ang mga konsultasyon, maintenance medicines at access sa 24/7 hotlines ng National Center for Mental Health (NCMH). Nagbibigay din ang ilang ospital ng Department of Health (DOH) at rural health units ng libreng gamot at therapy sessions para sa mga pasyenteng may mental health concerns.
Libre rin ang NCMH Crisis Hotline na nagbibigay ng telemental services gaya ng supportive counseling, psychosocial support at referrals.
Ayon kay Ejercito, malinaw na bahagi ng public health system ang mental health ngunit nananatiling hamon ang mababang awareness at kakulangan sa resources, lalo na sa mga mababa ang kita at liblib na lugar.
“May mga programa gaya ng hotline, libreng gamot at maintenance para sa mental health. Pero dagdag problema, hindi alam ng tao. Kaya kailangan nating palakasin ang information campaign at dagdagan pa ang pondo para mas maraming matulungan,” ani Ejercito.
Batay sa datos ng PhilHealth, may 91 mental health access sites at 10 specialty centers ng DOH na nagbibigay-serbisyo sa buong bansa. Ang General Mental Health Package ay hanggang P9,000 kada pasyente bawat taon, habang ang Specialty Mental Health Package ay hanggang P16,000.
Inihayag ng senador na itutulak niya ang mas mataas na pondo sa 2026 national budget upang madagdagan ang access sites, mapalakas ang community-based care at masiguro ang sustainability ng PhilHealth packages.
“Mental health is health. We must continue to care for both the body and the mind. I will fight for a bigger budget to make sure every Filipino can get the help they need, when they need it,” sabi niya.
Ikinabit din ni Ejercito ang panawagang dagdag-pondo sa kanyang panukalang batas laban sa online harassment. Inihain niya ang Senate Bill No. 1474, o Anti-Online Hate and Harassment Bill, na layong tugunan ang cyberbullying, fake news at online defamation na madalas makapinsala sa kabataan at iba pang sensitibong sektor.
Giit niya, dapat sabay na palakasin ang mental health services at seguridad sa digital spaces upang hindi mahatulan o maabuso ang mga taong humihingi ng tulong.

