Pulis Source: QCPD PIO

Frustrated murder, malicious mischief isinampa sa pulis sa viral hit-run video

35 Views

NAGSAMPA ng kasong frustrated murder at malicious mischief ang Quezon City Police District (QCPD) laban sa isang pulis na sangkot sa nag-viral na road altercation sa Pasig City.

Ayon sa QCPD, isinampa ang reklamo sa Pasig City Prosecutor’s Office matapos ang imbestigasyon at pagkalap ng mga ebidensya kaugnay sa insidente.

Sa ilalim ng pamumuno ni PBGen. Randy Glenn Silvio at alinsunod sa direktiba ni NAPOLCOM chief Rafael Vicente Calinisan, tiniyak ng QCPD na paiiralin ang pananagutan at wastong proseso ng batas sa kaso.

Sinabi ni PBGen. Silvio na inaasahang susunod sa batas at pinakamataas na antas ng disiplina ang lahat ng kapulisan anuman ang ranggo o posisyon.

Sisiguraduhin ng QCPD na uusad ang kaso batay sa ebidensya, due process at tamang legal na pamamaraan.

Nilinaw din ng QCPD na bukod sa kasong kriminal ay maaari ring sampahan ng hiwalay na kasong administratibo ang nasabing pulis alinsunod sa mga umiiral na mga patakaran at regulasyon.