MPBL Pacquiao: Galit sa game-fixing. MPBL photo

Game-fixing walang puwang sa MPBL

Robert Andaya Apr 7, 2024
195 Views
CALASIAO, Pangasinan — Walang puwang sa MPBL (Maharlika Pilipinas Basketball League)  ang game-fixing at iba pang katulad na maling gawain.
Ito ang madiing pahayag ni MPBL founder Sen. Manny Pacquiao sa matagumpay na pagbubukas ng ika-anim na season ng MPBL, na itinuturing na “Liga ng  Bawat Pilipino”,  sa harap ng madaming manonood sa Calasiao Sports Complex kamakailan.
“The MPBL, ang  ‘Liga ng Bawat Pilipino’, is here to stay,” pahayag pa ni Pacquiao.
“Madami na tayong nadidinig dati, lalo na nung nag-uumpisa pa lang tayo na hindi magtatagal ang liga natin. But with God’s grace, tuloy-tuloy pa din tayo sa pagbibigay ng kasiyahan sa ating mga kababayan, lalo na sa mga mahilig sa basketball,” dagdag pa ni Pacquiao sa panayam kasama sina MPBL Commissioner Kenneth Duremes at Chief Executive Officer Joe Ramos.
Tiniyak din niya na patuloy na magsusumikap ang MPBL na maghatid ng kasiyahan sa  buong bansa.
“Sa MPBL,  patuloy naman kaming naghahanap ng mga paraan, kasama ang mga LGUs,  na makatulong sa basketball, lalo na sa mga players. Kahit sa mga kabataan, patuloy kami sa pag-tulong na mas lalong i-angat ang basketball. Ngayon, may Junior MPBL na din tayo, pati MPBL Inter-Barangay.”
Hindi din nagpaligoy-ligoy pa si Pacquiao sa isyu ng game-fixing.
“Lagi ko ngang sinasabi, lalo na sa  mga players at coaches, na walang puwang sa MPBL ang game-fixing. Galit ako sa mga nangloloko at hindi ko ito papayagan na mangyari sa liga natin.”
Hinamon din ng sikat na eight-division  boxing champion ang mga players na ibulgar ang  kanilng nalalaman sa game-fixing, kung meron man.
“Pwede naman natin silang payagan na muling makalaro sa MPBL. Pwede natin silang bigyan uli ng pagkakataon. Pero dapat magsalita  sila at sabihin muna ang mga nalalaman nila tungkol sa game-fixing,”dugtong pa ni  Pacquiao.
Samantala, inanunsyo ni Duremdes na ang MPBL ay gaganapin anim na araw sa loob ng isang linggo.
Ang 30 kalahok na teams ay hinati sa  two divisions:  North at South.
North — Reigning MPBL national champion Pampanga, Nueva Ecija, MPBL Datu Cup titlist San Juan, Caloocan, Marikina, Bataan, Tarlac, Manila, Valenzuela, Quezon City, Pangasinan, Abra,
Bulacan, Rizal and Pasay.
South — Batangas, South Cotabato (GenSan), Zamboanga, Quezon Province, Muntinlupa Iloilo, Sarangani, Negros, Mindoro, Biñan (Laguna), Bicol, Bacolod, Imus, Parañaque at MPBL Lakan Season champion Davao Occidental.
Matapos ang single-round robin ng 30 teams, ang top eight sa bawat division ay aabante sa quarterfinal round  ng kumpetisyon na matatapos sa December.
Ang iba pang mga MPBL officials na dumalo sa opening ceremony ay sina Head of Operations Emmer Oreta, Legal Counsel Atty. Glenn Gacal, Technical Head George Magsino at  Chief of Security Rudy Distrito.