Calendar
Gamit lohika ni Sen. Imee, ring itanong ng mga Pilipino kung ano nag-udyok sa hakbang vs Sotto — Khonghun
BINALIKTAD ni Deputy Speaker Jay Khonghun ng Zambales noong Miyerkules ang usapin laban sa mga miyembro ng Senado matapos ang dramatikong pagpapatalsik kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, at sinabing ayon sa mga pamantayan at akusasyong basta na lamang ibinabato laban sa House of Representatives, may karapatan din ang publiko na magtanong tungkol sa tunay na nangyari sa mataas na kapulungan.
“Kung susundin natin ang lohika ni Sen. Imee Marcos — na kapag bumoto ang isang mambabatas, ibig sabihin ay may kapalit na pera, proyekto, o pabor — kung gayon, dapat ding itanong ngayon ang parehong bagay tungkol sa biglaang kudeta sa Senado,” ani Khonghun.
“Magkano umano ang natanggap ng mga senador para mapatalsik si Senate President Tito Sotto? Ano ang mga ipinangako? Ano ang mga konsesyong ibinigay? Anong mga proyekto ang inalok? Sino ang makikinabang?” dagdag pa niya.
Nilinaw ni Khonghun na hindi siya nag-aakusa, kundi inilalantad lamang umano ang mapanganib at iresponsableng lohika na ginagamit upang atakihin ang mga miyembro ng Kamara kaugnay ng kanilang mga aksyong naaayon sa Konstitusyon.
“Napakadaling magbato ng akusasyon kapag walang ebidensyang kailangan. Kapag ang batayan na lamang ay hinala, intriga, at conspiracy theory, walang demokratikong institusyon ang makaliligtas,” ani Khonghun.
Sinabi ng lider ng Kamara na hindi maaaring basta-basta akusahan ng mga senador at personalidad sa politika ang mga kongresista na tumanggap ng suhol kapalit ng kanilang boto sa impeachment, habang inaasahang iba ang magiging pagtingin ng publiko sa mga kaguluhang pampulitika sa Senado.
“Hindi ninyo maaaring lasunin ang pampublikong diskurso sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng mga walang basehang alegasyon laban sa mga miyembro ng Kamara, tapos biglang hihiling ng pagpipigil at kahinahunan kapag may political realignments sa Senado,” ani Khonghun.
Dagdag pa niya, bumoto ang mga miyembro ng Kamara batay sa kanilang paniniwalang ito ang kanilang tungkuling konstitusyonal matapos ang ilang buwang pagdinig, sinumpaang testimonya, opisyal na dokumento, at mga proseso ng komite.
“Ang botohan sa Kamara ay hindi karaoke contest, hindi popularity survey, at lalong hindi auction,” aniya.
Nagbabala rin si Khonghun na ang patuloy na pagpapakalat ng mga walang basehang naratibo ng panunuhol ay nagpapahina sa mga demokratikong institusyon at sumisira sa tiwala ng publiko sa halalan at pamahalaan.
“Kapag bawat boto ng halal na opisyal ay agad inaakusahan na bayaran, ang tunay na sinisira ay ang demokrasya mismo. Ang mensahe sa taumbayan: wala nang prinsipyo, wala nang proseso, pera-pera na lang lahat. Isa itong iresponsable at mapanirang paraan ng pagsira sa mga institusyon,” sabi ni Khonghun.
Aniya, dapat maging mas responsable ang mga lider-pulitika sa kanilang mga pahayag, lalo na sa panahong lubhang hati na ang bansa.
“Sa huli, madaling mag-akusa. Mahirap magpatunay. At sa isang demokrasyang pinamamahalaan ng batas, ebidensya — hindi parinig o insinuation — ang dapat manaig,” pagtatapos ni Khonghun.
