Calendar
Garafil: Kamara sinusunod mga patakaran sa pagproseso ng komunikasyon
BINIGYANG-DIIN ni House Secretary General Atty. Cheloy Garafil noong Martes na walang anumang layunin na magpakita ng kawalang-galang sa Office of the Ombudsman, at tiniyak na ang lahat ng komunikasyon ay pinoproseso alinsunod sa umiiral na mga patakaran at proseso.
“Malaki po ang paggalang ng Office of the Secretary General sa Office of the Ombudsman at sa mandato nito,” ani Garafil.
Nilinaw ni Garafil na ang mga komunikasyong ipinapadala sa Kamara ay maayos na tinatanggap at pinoproseso, bagaman maaaring maapektuhan ang iskedyul dahil sa kasalukuyang work arrangements.
“Ang mga komunikasyong ipinadadala sa House ay tinatanggap at pinoproseso ayon sa umiiral na mga patakaran. Sa kasalukuyan, tuwing Martes at Miyerkules lamang po ang onsite work sa House bilang bahagi ng ipinatutupad na work-from-home arrangement kaugnay ng energy-saving measures,” ani Garafil.
Binigyang-diin pa ni Garafil na nananatiling nakatuon ang Office of the Secretary General sa pagtugon sa lahat ng opisyal na komunikasyon alinsunod sa mga itinakdang protocol ng institusyon.
“Wala po kaming intensyong magpakita ng kawalang-galang o umiwas sa pagtugon. Ang lahat ng opisyal na komunikasyon ay aming aasikasuhin nang naaayon sa mga tuntunin at may buong paggalang sa institusyon,” ani Garafil.

