Calendar
Sen. Kiko: Operators ng cold storage facilities tatawagin sa Senado
IPATATAWAG ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang mga cold storage operator at trader sa pagdinig ng Senado dahil sa mga ulat na napupuno ng imported na produktong agrikultural ang mga pasilidad kaya limitado na ang access ng mga lokal na magsisibuyas.
Ayon kay Pangilinan, maaaring lumala ang post-harvest losses at malagay sa alanganin ang suplay ng pagkain dahil ang sibuyas ay maaaring tumagal ng anim hanggang siyam na buwan sa cold storage ngunit madaling mabulok kapag hindi maayos ang imbakan.
Ipinapakita ng mga reklamo ng mga magsasaka na hindi lamang limitado ang access sa mga pasilidad, kundi mataas din ang singil at may pabor umano sa malalaking trader o importer, kaya naiiwan ang maliliit na prodyuser ng pagkain, ayon sa senador.
“Sa susunod na hearing natin, ipapatawag natin lahat ng cold storage operators pati mga trader. Mukhang pinipwera at sinasadyang hindi bigyan ng cold storage yung ating mga magsisibuyas para ibenta ng palugi sa mga trader na ito,” sabi ni Pangilinan.
Sinabi rin ng senador na hindi dapat isinasabay ang pag-aangkat ng sibuyas sa panahon ng anihan at nagbabala na ang mga trader na mapatutunayang humadlang sa access ng mga magsasaka sa cold storage ay maaaring maharap sa kasong agri-economic sabotage kung may sapat na ebidensya.
Sinabi ni Pangilinan na mahalaga ang tamang access at paggamit ng cold storage upang makatulong sa pagpapatatag ng suplay ng pagkain at patas na presyo sa merkado para sa mga magsasaka at mangingisda.

