Garin House Deputy Majority Leader Janette Garin

Garin binuweltahan pekeng eksperto na pinupulitika public health care

45 Views

BINUWELTAHAN ni House Deputy Majority Leader Janette Garin ang mga “fake expert” na kumukwestyon sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Tingog Party-list, Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Development Bank of the Philippines (DBP) na naglalayong pondohan ang pagpapatayo ng mga ospital at medical facilities na patatakbuhin ng mga lokal na pamahalaan.

Sa kanyang privilege speech noong Lunes, binigyang-diin ni Garin na layunin ng MOA na palawakin ang imprastraktura ng mga ospital sa bansa, at pinabulaanan ang mga alegasyon na ang kasunduan ay ginamit sa pulitika at may mga legal na isyu.

“We should stop politicizing public health…While doctors are busy working in their clinics, those in the academe are busy mentoring their students, and scientists who are busy in the field and their laboratories, there are just some who love chaos and cannot live if they don’t create chaos, pretending to be experts in every aspect of the medical field, where in reality, they just want to grab airtime,” ayon sa mambabatas na dati ring nagsilbing kalihim ng Department of Health (DOH).

Binigyang-diin ng mambabatas mula sa Iloilo na may karapatan ding makilahok ang mga mambabatas sa mga usaping pangkalusugan dahil sila ay hindi lamang tagapagsalita ng mamamayan kundi tumutulong din sa pagtukoy ng mga kakulangan na kailangan ng agarang pagtugon.

Hamon din ng lady solon sa mga bumabatikos sa MOA na tumulong sa sektor ng kalusugan at “patunayan ang kanilang sinasabi sa pamamagitan ng gawa.”

“Hindi naman sinasabi na bawal tumulong ang iba. ‘Yung mga maiingay dyan at nagpapanggap na eksperto, I dare them to come out in the open and do the tasks and address the gaps we face at the present,” ayon kay Garin.

Giit pa ni Garin, binanggit sa MOA ang tungkulin ng Tingog sa pagtulong sa mga local government unit (LGU) upang ma-access nila ang mga financial mechanism ng DBP sa pamamagitan ng fiscal training, capacity-building at iba pang mga inisyatibo.

Paglilinaw pa ng mambabatas, walang pondong ililipat sa Tingog at ang mga kasunduan sa pananalapi ay tanging sa pagitan lamang ng DBP at mga LGU, na sumusunod sa mga mekanismo ng DBP para sa pagkuha ng pautang.