Calendar
Garin tinabla ang muling pagbuhay sa isyu ng Dengvaxia; naniniwalang katotohanan ang mangingibabaw
TINABLA ni House Deputy Speaker at Iloilo 2nd District Rep. Janette L. Garin ng Iloilo ang ginawang muling pagbubungkal sa kontrobersya ng Dengvaxia matapos ang pagbati para sa Mother’s Day na ipinost ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na tila tumutukoy sa nasabing isyu.
Pagbibigay diin ni Garin na ang mga pagsisikap na muling buhayin ang kontrobersya ng Dengvaxia ay nagbabantang ilihis ang atensyon mula sa mas malalawak na suliranin sa pampublikong kalusugan na kinaharap ng bansa nitong mga nakaraang taon.
“Ang pananakot kaugnay ng Dengvaxia ay naging panggulo lamang sa mga mas pundamental na hamon sa pampublikong kalusugan noong nakaraang administrasyon. Nakalulungkot na mayroon pa ring mga pagtatangka na buhayin ang isyung ito sa kabila ng napatunayang katotohanan na ang mga kasong isinampa laban sa akin ay naibasura na,” ayon kay Garin.
Nagpahayag din ang lady solon ng pagkabahala sa inilarawan niyang patuloy na pagpapakalat ng mga hindi kumpirmadong alegasyon at testimonya na iniuugnay sa kontrobersya.
“Nakababahala rin na ang mga hindi beripikadong autopsy at kaduda-dudang mga testimonya ay patuloy na ginagamit sa pagtatangkang sirain ang aking reputasyon. Gayunpaman, nananatili kaming tapat sa katotohanan at patuloy na haharapin ang mga isyung ito sa pamamagitan ng mga katotohanan at tamang proseso,” dagdag pa nito.
Kinilala rin ni Garin ang pagbati ni Leviste para sa Mother’s Day.
“Kasabay nito, nagpapasalamat ako kay Cong. Lean sa pagbati para sa Mother’s Day. Malapit ’yan sa puso ko,” pahayag ni Garin.
