Garma

Garma ipaaaresto kapag muling hindi sumipot sa pagdinig ng Quad Comm

147 Views

NAGBANTA ang Quad Committee ng Kamara de Representantes na ipaaresto si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma gaya ng ibang ipinatawag ng komite na hindi sumipot sa pagdinig nito.

Ayon kay Rep. Robert Ace Barbers, ang lead chairman ng Quad Committee, naglabas na ang komite ng subpoena laban kay Garma, isang retiradong opisyal ng Pilippine National Police (PNP), upang humarap ito sa komite na nag-iimbestiga sa kaugnayan ng iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), bentahan ng ipinagbabawal na gamot, at extrajudicial killings sa Duterte war on drugs.

Sinabi ni Barbers na natuklasan ng Quad Committee, na binubuo ng Committee on Dangerous Drugs, Committee on Public Order and Safety, Committee on Human Rights, at Committee on Public Accounts, ang mga ebidensya na posibleng may kinalaman si Garma sa pag-organisa ng mga ilegal na operasyon noong siya ay nasa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Davao.

Ang mga testimonya na inilatag sa komite ay nag-ugnay kay Garma sa pagpaslang sa tatlong Chinese drug lords na sina Chu Kin Tung, Jackson Li, at Wong habang nakakulong ang mga ito sa Davao Prison and Penal Farm.

Inakusahan ng mga saksi si Garma, na ginamit ang kanyang posisyon sa CIDG at pinangunahan ang pagplano sa mga pagpatay sa pagpapatupad ng war on drug campaign ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“These are not isolated incidents but part of a broader pattern of abuse that we believe Garma had a direct hand in. The gravity of these allegations cannot be overstated,” ayon kay Barbers.

“We need her testimony to understand fully how these operations were conducted and to hold accountable all those involved,” saad pa nito.

Binigyang-diin ng komite na mahalaga ang pagdalo ni Garma sa susunod na pagdinig na itinakda sa Setyembre 3. Ang kanyang testimonya ay itinuturing na mahalaga para magbigay linaw sa lawak ng kanyang partisipasyon at matukoy ang buong katotohanan sa likod ng mga operasyong ito. Ang subpoena ng komite ay nag-uutos kay Garma na magbigay ng testimonya, at ang hindi pagsunod ay magreresulta sa agarang legal na hakbang laban sa kanya.

“If Lieutenant Colonel Garma refuses to attend, we will have no choice but to issue a warrant for her arrest. This is a matter of national importance, and we will not tolerate any obstruction to this investigation,” pahayag pa ni Barbers.

“We are committed to ensuring that justice is served, and that means everyone involved must be held to account,” saad pa nito.

Nilinaw ng Quad Committee na seryoso sa pagpapatupad ng subpoena. Kung hindi susunod si Garma at hindi darating sa pagdinig, agad siyang isa-cite in contempt, na susundan ng utos na siya ay arestuhin at ikulong.

“Refusing to testify would be a serious act of defiance against the rule of law and could be seen as an attempt to hide the truth,” dagdag pa ni Barbers.

“We have the authority and the resolve to compel her testimony, and we are prepared to use all legal means necessary to ensure her compliance.”